SA panahon ngayon kung saan halos lahat ng transaksyon ay ginagawa na online, patuloy ding sumasabay ang mga manloloko sa makabagong teknolohiya. Isa sa mga nakababahalang modus ngayon ay ang pagpapanggap bilang lehitimong travel agency o travel agent gamit ang ninakaw na social media files, larawan, videos, at maging mga booking post ng tunay na negosyo upang makapanloko ng mga biyahero.
Marami nang Pilipino ang nabibiktima ng ganitong uri ng scam lalo na ngayong uso ang seat sale, travel packages, at murang international tours. Ang masaklap, ginagamit ng mga scammer ang pangalan at reputasyon ng mga totoong travel agent upang makuha ang tiwala ng publiko. Kinokopya nila ang profile picture, logo, customer feedback, at maging mga promotional material ng mga lehitimong travel agency. Sa unang tingin, mahirap talagang matukoy kung alin ang tunay at peke.
Kapag nakapanghikayat na sila ng customer, agad silang humihingi ng downpayment o full payment sa pamamagitan ng online banking o e-wallet. Ngunit matapos makuha ang pera, bigla na lamang silang nawawala. Ang ilan ay nagba-block ng customer habang ang iba naman ay gumagawa ng panibagong pekeng account upang muling makapanloko.
Mahalagang maging mapanuri ang bawat Pilipino. Huwag agad magtiwala sa sobrang murang promo. Mabuting i-check kung rehistrado ang travel agency sa Department of Tourism at tiyaking may lehitimong business permits. Makabubuti ring direktang tawagan o i-video call ang travel agent bago magbayad. Mahalaga rin ang pagbusisi sa reviews dahil may mga pekeng testimonials na rin ngayon.
Kaya dear readers, kung sakaling mabiktima ng scam, huwag matakot magsumbong sa barangay, pinakamalapit na himpilan ng pulisya, o sa cybercrime unit ng mga awtoridad upang agad na maaksyunan ang kaso. Mahalaga ring itabi ang resibo, screenshots ng usapan, bank transfer details, at iba pang ebidensya na makatutulong sa imbestigasyon. Sa pamamagitan ng maagap na pagrereport, mas mapipigilan ang patuloy na panloloko at at mahihinto ang pambibiktima.
Kasabay nito, kailangang paigtingin ng pamahalaan at mga kinauukulang ahensya ang kampanya laban sa online fraud. Dapat ding makiisa ang social media platforms sa mabilis na pagtanggal ng mga pekeng account.
Ang kaligtasan laban sa scam ay nagsisimula sa tamang kaalaman, ibayong pag-iingat, at responsableng paggamit ng teknolohiya.






