HABANG nararanasan natin ang sunod-sunod na malalakas na ulan at bugso ng hangin, mas tumitindi rin ang panganib sa hanay ng mga manggagawa lalo na sa construction industry. Hindi sapat ang sipag at tiyaga kung ang kaligtasan ay naisasakripisyo.
Ilan sa mga hazard na kailangang i-risk assess ang heavy rain at typhoon kaya dapat lamang na doblehin ang ating pag-iingat.
Sa construction site, itinuturing na associated hazard ang slippery ground o floor. Maaari kasi itong magdulot ng slips and fall in the same level. Kapag binaha naman ang walkways, bihira ang nakakapansin ng nakatitisod (tripping), matatalas, at nakatutusok na bagay. Tumataas din ang panganib ng electrocution, pagguho ng excavation, at pagkasira ng kagamitan. Ang malalakas na hangin naman ay kayang magpabagsak ng scaffolds (lalo na kung sub-standard), paglipad ng mga materyales, at pagkahulog ng mga nagtatrabaho sa mataas na bahagi ng construction.
Ano ang mga dapat gawin? Una, magsagawa ng weather monitoring bago simulan ang trabaho. Kung may thunderstorm warning o malakas na hangin na lampas sa ligtas na limitasyon, ihinto muna ang crane operations, lifting activities, at work at height. Hindi dapat ipinagpipilitan ang trabaho kung malinaw na delikado na ang kondisyon. Isagawa ang stop work authority kung kinakailangan.
Ikalawa, tiyaking matibay ang scaffolds, barricades, at temporary structures. Siguraduhing nakasecure ang lahat ng construction materials upang hindi tangayin ng hangin. Panatilihing malinis ang drainage upang maiwasan ang pagbaha sa worksite.
Ikatlo, inspeksyunin ang electrical installations. Gumamit lamang ng weatherproof electrical equipment at tiyaking may Ground Fault Circuit Interrupter (GFCI). Huwag kailanman gumamit ng sirang extension cords at electrical tools sa baha o basang lugar.
Panghuli, magsagawa ng toolbox meeting araw-araw o bago simulan ang anomang trabaho kaakibat ang dokumentadong job safety analysis at permit-to-work (for non-routine activities) upang masiguro na kontrolado ang mga panganib, naipaaalala ang evacuation procedures at emergency response plan.
Ang bawat manggagawa ay dapat bigyan ng libreng PPE (personal protective equipment tulad ng non-conductive hard hat, non-slip safety boots, hand gloves, rain gear, safety goggles, at protective and high visibility clothing.






