Home OPINION KASO, PONDO KAPALIT NG BOTO

KASO, PONDO KAPALIT NG BOTO

87
0

MAS lalong umiinit ang usapin tungkol sa planong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte hindi lamang dahil sa laman ng reklamo kundi dahil sa umano’y paraan ng pangangalap ng boto sa loob ng Kamara.

Maging ang ilang mambabatas mismo ang naniniwalang may umiiral na “kampanya gamit ang dagdag pondo o pananakot ng pagsasampa ng kaso” kapalit ng pagsuporta sa impeachment. Kapag ganito ang nagiging takbo ng proseso, nawawala ang tunay na diwa ng pananagutan at demokrasya.

Totoong 106 boto lamang o katumbas ng one third vote ng Kamara ang kinakailangan upang maipasa at maakyat sa Senado ang articles of impeachment. Ngunit malinaw na hindi lamang simpleng pagpasa ang nais ng mga anti- Vice President Sara Duterte. Hangad nilang makakuha ng mas malaking bilang upang maibalandra sa publiko na malakas at malawak ang suporta laban sa bise presidente.

Aminin man o hindi, nagmumukha itong isang laro ng numero o ‘NUMBERS GAME’ at impluwensiya sa halip na patas na paghahanap ng katotohanan.

Masakit isipin na ang isang napakahalagang proseso sa bansa ay maaaring maimpluwensyahan ng pondo at takot. Kapag ang basehan ng boto ay dagdag ayuda, proyekto, o banta ng kaso, hindi na ito tunay na paninindigan para sa bayan kundi politika para sa pansariling interes at pananatili sa kapangyarihan.

Marahil panahon na rin upang repasuhin at amyendahan ang mga probisyon ng Saligang Batas tungkol sa Impeachment ng pangulo at pangalawang pangulo. Napakalaking kapangyarihan ang inilalagay sa kamay ng iilang pulitiko samantalang ang taumbayan na silang bumoto sa mga lider na ito ay halos walang direktang partisipasyon sa proseso.

Kung ang mga lokal na opisyal gaya ng mayor at gobernador ay maaaring sumailalim sa recall election kung saan may boses ang mamamayan, bakit hindi maaaring magkaroon ng mas malaking partisipasyon ang publiko sa pagpapatalsik sa dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa?

Para sa bayan ba ang impeachment kahit wala namang partisipasyon ang taumbayan o para sa interes ng iilan para masiguro ang pananatili nila sa kapangyarihan.

PONDO sa mga OO. KASO sa mga HINDI. Ganyan ba ang BASEHAN ng PAGBOTO?

Mahalagang itanong kung para nga ba ito sa bayan o para lamang sa interes ng iilan. Sapagkat kailanman, hindi dapat manaig ang pondo at pananakot bilang kapalit ng boto.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here