KILALA sa kanyang mabilis na kilos si Manila Mayor Isko Moreno kayat tiyak na makararating kaagad sa 896 na barangay ang pondo ng Bawat Barangay Makikinabang Socio-Civic Projects mula sa Office of the President.
Nito lang kasing Miyerkoles ng umaga, Mayo 6, 2026, tinanggap ng alkalde ang tsekeng nagkakahalaga ng P179.2 milyon kung saan bibigyan ang bawat barangay ng kabuuang P200,000 na hahatiin sa tig-P100,000 para sa programang Bagong Pilipinas Barangay Scholars at P100,000 para naman sa sa mga prayoridad na proyektong pangkaunlaran na tutukuyin ng barangay tulad ng patrol vehicles, solar street lights, generators, at flood water pumps.
Sa ilalim ng Bagong Pilipinas Barangay Scholars, ibabahagi sa limang kuwalipikadong estudyante ng bawat barangay na nanganganib na hindi makatuntong sa fourth year college dahil sa kahirapan ang tig-P20,000 para makapagtapos ng kolehiyo.
Kung wala namang kuwalipikadong 4th year students sa barangay, pwedeng ikonsidera ang 3rd year students, TESDA scholars na may National Certificate, o estudyante sa fifth o sixth year na magtatapos sa school year 2026-2027.
Sa proyektong pangkaunlaran naman, pwedeng mamili ang barangay sa mga kategoryang serbisyo publiko, administratibo, pagpapailaw sa lansangan, at pamamaraan nang pag-iwas sa panganib ng kalamidad bagamat hindi pwedeng gamitin ang pondo sa proyektong pang-imprastraktura o pagkakaloob ng honoraria at sahod ng mga opisyal ng barangay.
Direktang matatanggap ng barangay ang pondo sa oras na ma-implementa ang Deed of Donation sa pagitan ng Office of the President at Barangay Chairman na siyang may kapangyarihang tumanggap at aatasan silang magsumite ng liquidation documents sa supervising auditor ng Commission on Audit na nakatalaga sa kanilang barangay.
Parang nakikini-kinita na ngayon pa lang ay naglalaway na ang mga tiwaling barangay chairperson na makuha ang pondo para madiskartehan nila kung paano ibubulsa ang malaking bahagi nito.
Hindi na kasi bago sa mga korap na “kabesa” ang mga pamamaraan kung paano ihohokus-pokus ang pondo para sa mga iskolar, lalo na sa proyektong pang-kaunlaran dahil tiyak na ang ituturo nila ay mga napondohan na dati ng barangay tulad ng barangay patrol, solar street lights, CCTV, generators, flood water pumps at iba pa.
Hindi naman problema sa mga korap na opisyal ang liquidation documents dahil kahit pawarde-warde at recycled ang dokumento, pikit-mata na itong lalagdaan ng supervising auditor ng COA na nakatalaga sa kanilang barangay dahil kahit nga raw “maling-anda” ay tumatanggap ang mas korap na supervising auditor.
Paano kasi, bawa’t hirit ng supervising auditor sa kapwa nila korap na chairman tulad ng alak, pang-raffle, solicitation letter, etc, bigay kaagad ang huli kaya’t mabilis na nalalagdaan ang dokumento.
Sana lang, masilip ang ganitong raket na nangyayari sa ilang barangay sa Maynila, hindi lang ng Barangay Bureau, kundi ng tanggapan mismo ng alkalde at punong tanggapan ng COA.






