RAMDAM na ramdam sa kilos protesta sa Rizal Park, Maynila, ang galit ng sambayanan nang magtipon-tipon sa may bahagi ng monumento ni Gat. Jose Rizal ang tinatayang nasa mahigit kumulang 50,000 na mga raliyista na mula sa iba’t ibang sektor kabilang ang Simbahan at mga relihiyoso, manggagawa, transportasyon, senior citizens, LGBTQIA plus community, kababaihan, mga nasa akademya, propesyunal, kabataan at iba pa.
Ganap na 9:00 ng umaga ng Setyembre 21, 2025, ay nagsimula ang programa sa tinawag na “Baha sa Luneta, Aksyon na Laban sa Korapsyon.” Hindi ininda ng mga dumalo ang matinding init ng araw, sa nagkakaisang tinig ay ipinahayag nila ang pagkadismaya at galit sa malawakan at sistematikong korapsyon sa pamahalaan.
Nagkaroon din ng panawagan para papanagutin sina President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., Vice President Sara Duterte, dating House of Representatives speaker Ferdinand Martin Romualdez, Ako Bicol party-list representative Elizalde “Zaldy” Co, mga senador na sina Jinggoy Estrada at Joel Villanueva, mga isinangkot na kongresista, at mga opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Budget and Management (DBM), at iba pang ahensiya.
Matapos ang programa sa Luneta ay nagmartsa ang iba’t ibang grupo patungo sa People Power Monument sa EDSA para makibahagi naman sa “Trillion Piso March” na nagsimula ganap na alas-2:00 ng hapon.
Halos kasabay ng mga nasa Rizal Park ay nagkaroon na rin ng pagtitipon sa EDSA Shrine kung saan nagdaos ng mga Misa na tumuligsa sa korapsyon at pagmamalabis sa pamahalaan. Mula sa EDSA Shrine ay nagmartsa patungong People Power Monument ang iba’t ibang religious groups, mga civil society organization. Tinatayang umabot sa 100,000 katao ang nagsama-sama sa makasaysayang lugar.
Nagsalita ang iba’t ibang Obispo partikular si Cardinal Pablo David ng Diocese of Kalookan, mga lider ng ibang denominasyon ng pananampalataya, at mga civil society organization.
Nagtapos ang programa sa EDSA sa pamamagitan ng isang ‘call to action’ na hindi nagtatapos sa pagtitipon ang pagkilos hangga’t walang napapanagot sa malawakang korapsyon.
Ang pagkilos sa Luneta at sa EDSA ay isinabay sa obserbasyon ng ika-53 taon ng deklarasyon ng Martial Law sa bansa noong 1972 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. na itinuturing na pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan.






