Home METRO Kliyente ng law firm itinumba; isa sa mga gunman patay sa engkwentro

Kliyente ng law firm itinumba; isa sa mga gunman patay sa engkwentro

MANILA, Philippines – IDINEKLARANG dead on arrival ang kliyente ng Law Firm nang pagbabarilin ito ng dalawang gunman kung saan isa sa mga ito ay napatay din sa engkwentro sa Barangay V-A sa lungsod ng San Pablo, Laguna.

Kinilala ang biktima na patay na nang idating sa San Pablo District hospital na nagtamo ng mga tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng katawan na si Joseph Raymond Bacani Fang 43, kliyente ng Alfredo Lao Belen Law Firm.

Samantalang, nasawi sa engkuwentro ang suspek na si Rodrigo Villena y Manalo habang sugatan naman ang kasamahan nito na si alyas Christopher na kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa San Pablo Medical Center.

Batay sa isinagawang pagsisiyasat ng San Pablo City Police Station sa pinangyarihan ng krimen, dakong alas-12:15 ng tanghali, habang ang biktima na kasalukuyang nakaupo sa labas ng opisina ng nasabing Law Firm dahil hinihintay umano nito ang abogado ay biglang dumating ang mga suspek na lulan ng motorsiklo at walang sabi-sabing malapitan na pinagbabaril ang biktima na ikinasawi nito.

Napag-alaman na, matapos ang isinagawang krimen ay mabilis na tumakas ang dalawang suspek.

Mabilis na nakarating sa himpilan ng pulisya ang naganap na insidente at kaagad na nagsagawa ang mga awtoridad ng hot-pursuit operation para tugisin ang mga suspek.

Nabatid sa ulat na nasukol ng mga pulis ang dalawang suspek, subalit sa halip na sumuko ay pinaputukan ng mga salarin ang mga awtoridad na humantong sa engkuwentro.

Ikinasawi ito ng isa sa dalawang suspek. Sugatan naman ang kasamahan nito.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng San Pablo City Police Station hinggil sa naganap na insidente kung saan inaalam din ang motibo ng pamamaslang sa biktima. Ellen Apostol

Previous articleFans ni Kathryn, mas bet si Echo kesa kina Alden at David!
Next article60% of PhilSys ID naimprenta na