Home OPINION KOMPANYANG LANGIS, GOBYERNO TUMITIBA SA PETROLYO

KOMPANYANG LANGIS, GOBYERNO TUMITIBA SA PETROLYO

150
0

SA mismong mga imbestigasyon lalo na sa Senado, lumilitaw na mga dambuhalang halaga ang kinikita ng pamahalaan at mga kompanya ng langis sa krudo.

Bago maggiyera ang United States/Israel at Iran, narito ang mga kinikita ng pamahalaan sa langis.

Nitong 2025, sinabi ng Bureau of Customs na nakasingil ito ng nasa P220 bilyon-P260 bilyon mula sa excise tax sa krudo at mga produktong petrolyo gaya ng diesel, gasolina, kerosene, liquified petroleum gas, jet fuel at iba pa.

Ayon naman kay Energy Secretary Sharon Garin, nakasisingil ang gobyerno ng nasa ₱170B kada taon na value added tax at mula rito, P116B VAT ang galing sa imported petroleum products lamang.

2026 AT PANAHON NG GIYERANG IRAN

Ayon sa Bureau of Customs, kumita ang gobyerno ng kabuuang P83.41B sa taripa at buwis mula Enero hanggang Abril 10, 2026.

At simula sa Marso hanggang Abril 10 na panahon ng giyera sa pagitan ng United States at Israel laban sa Iran, kumita ang gobyerno ng P37B dahil sa paglobo ng presyo rito.

Mula Enero hanggang Abril 10, nasa P16.24B ang kinita ng pamahalaan sa diesel lamang habang P5.92B sa krudo.

Sa gasolina, kumite ang gobyerno ng P13.43B, liquified petroleum gas – P641.35 milyon, jet fuel – P769.23 milyon, kerosene – P105.73 milyon at aviation gas – P6.74 milyon.

Ganyan kalaki ang kita ng pamahalaan sa VAT at excise tax sa krudo at langis mula sa importasyon hanggang sa mabenta ang mga ito sa mga gasolinahan.

KITA NG MGA KOMPANYANG LANGIS

Ayon sa Facebook page mismo ng Petron noong Marso 4, 2025, kumita ito ng P867.97B noong 2024 mula sa P801.03B noong 2023.

Ang Shell Pilipinas Corporation, nasa ₱243.57B ang kinita mula sa mas malaking kita na ₱253.32B noong 2023.

Ang Caltex o Chevron Philippines, walang malinaw na rekord subalit kasama ito ng Petron at Shell na na bumubuo ng Big 3 sa Pilipinas at dumarami umano ang mga istasyon nito.

Ayon naman sa Securities and Exchange Commission, laging kasama ang Petron, sa ilalim ng San Miguel Corporation, sa Top Ten sa Top 1,000 corporations ng Pilipinas samantalang lagi namang nasa Top 10-15 ang Shell at kasama rin ang Caltex, Seoil at Phoenix sa Top 1,000.

Ngayong biglang lumobo ang mga presyo ng mga produktong petrolyo, inaasahang magdedeklara ang lahat ng kompanya ng langis ng biglang paglobo ng kanilang kita sa susunod na panahon.

Ngunit ang isang mahalagang usapin dito, may paniniwalang nag-overprice ang mga ito sa bisa ng Oil Deregulation Law, batay sa mga imbestigasyon sa Senado ngayon.

WINDFALL PROFIT

Sa ibang mga bansa, nagsimula na silang maningil sa mga kompanya ng langis ng buwis mula sa “windfall profit” kung tawagin o may labis-labis na kita sa paglobo ng presyo ng langis dahil sa US/Israel-Iran war.

Katwiran ng Germany, Italy, Spain, Portugal at Austria, nararapat lang ang buwis upang mapagkukunan ng pantustos sa mga biktima ng giyera na lumikha ng pang-ekonomiyang krisis sa kanila.

May balak din ba ang gobyernong Marcos para maningil ng buwis sa windfall profit para sa sa kapakinabangan nating lahat at hindi lang sa piling bahagi ng ating lipunan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here