Home OPINION KORAPSYON AT KATIWALIAN, NAKABAON NA NGA BA SA GOBYERNO? (PART 1)

KORAPSYON AT KATIWALIAN, NAKABAON NA NGA BA SA GOBYERNO? (PART 1)

KAPAG ang naging usapan ay ang pagiging tiwali ng mga opisyal at kawani ng mga ahensiya ng pamahalaan, hindi nawawala ang mga tanggapan ng Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, Bureau of Immigration, Department of Public Works and Highways, Department of Transportation, Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

Sa mga kuwentuhan sa mga barber shop, sa inuman ng magkakabarkada at maging sa pagkikita-kita ng mga retiradong kawani, hindi nawawala ang paksa ng korapsyon ng mga opisyal ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.

Hindi naman talaga maiaalis na mapag-usapan ang katiwalian sa hanay ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan, maging ang mga ito ay elected o appointed, dahil matagal na itong problema ng bansa na binabalikat ng kahit na sinong mahalal na pinuno. Halos lahat nga ng mga kandidato sa pinakamataas na posisyon ay ang paglaban sa korapsyon ang madalas na “battle cry” pero wala ring nangyayari sa panahon ng kanilang panunungkulan dahil tila ba malalim na ang pagkakabaon ng ugat ng katiwalian na mahirap nang bunutin.

‘Di nga ba pinalakpakan pa ng taumbayan ang pahayag ni dating Pangulong Joseph Estrada sa kanyang inaugural address na walang kaibigan, walang kumpare at walang kamag-anak o anak na magsasamantala na dinugtungan pa niya ng “huwag ninyo akong subukan”. Pero ano ang nangyari? Makaraan ang tatlong taon sa panunungkulan, napatalsik siya sa puwesto sa tinaguriang EDSA People Power II kahit sa bandang huli ay hindi naman napatunayan ang kanyang pagkakasala.

Naging simbolo naman ng panunungkulan ni dating Pangulong Noynoy Aquino III ang walang wang-wang, walang counterflow, walang “tong” na isa ring paraan nang paglaban, hindi lang sa katiwalian kundi sa pang-aabuso.

Nang magpasiya si dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo bilang Pangulo, marami ang umasa na siya na ang sagot sa totoong paglaban sa katiwalian sa pamahalaan dahil sa kakaibang estilo niya sa pamamahala na may halong pagka-brusko.

(May Karugtong)