Home OPINION ‘KUYOG’

‘KUYOG’

KAPANSIN-PANSIN na “nagkakaisa” ngayon ang mga kongresista… sa ilalim ni Speaker Martin Romualdez, ang pinsan ni Pangulong Bongbong Marcos.

Mistula silang “one big happy family” na hindi magigiba dahil nga sa sila ay sama-sama sa iisang layunin.

Ngunit kumbaga sa isang pamilya…sila ang tinatawag na KUYOG.

Bugbog na bugbog ngayon ng mga KUYOG sa KONGRESO si Vice President Sara Duterte.

At dahil marami sila na parang isang PAMILYA KUYOG, hindi halos makapalag ang kawawang ale na tinatawag pa nila ngayong maangas.

Aba’y may iaangas pa ba ang isang tao kung ang nasa harap mo e mga KUYOG? Magpapaliwanag pa lang, may tadyak at sapak na kaagad. E ano’ng gagawin? No comment na lang. Atras na lang.

Kapuna-puna na may laro sila ngayon d’yan sa Kongreso.

Hindi nila titigilan si VP Sara hanggang hindi siya humihilahod bago ang 2028 Presidential elections.

Wawasakin talaga ang kanyang pagkatao, pati ang mga taong nasa palibot niya, hanggang hindi siya magkandagulapay.

Anyway, panahon nila ngayon. Huwag lang magbabago ang sitwasyon at ang timon dahil sabi nga sa kasabihan…Lintek lang ang walang ganti!

Abangan na lang natin mga katotoo kung ano ang mga susunod na kabanata. Bwar, har, har!

@@@

Pansin n’yo ba na nakatatakot ngayon ang ating mga kongresista? Ang babagsik!

Na kapag ipinatawag ka sa kanilang pagsisiyasat na “in aid of legislation” (kuno) at hindi nila naibigan ang iyong isasagot e pihadong CONTEMPT KA, SABAY KULONG! Tapos ay tatawagin ka pang LIAR, hehehe!

@@@

At napupuna n’yo rin ba na mistulang isang malaking “ORCHESTRA” ang Kongreso na may “taga-kumpas”. Bawat kongresista ay may kanya-kanyang tono pero kung pakikinggan e, mga sintunado naman.

Kung sa bagay, gusto naman talaga natin na maging maingay ang Kongreso kapag isyu ng katiwalian ang pag-uusapan.

Pero huwag naman sana sa iisang tao o pamilya lang ang kanilang pokus. Hinihintay kong talupan nila ang mga kawatan diyan sa Department of Public Works and Highways.

‘Yun bang itatanong lang nila kung saan na napunta ang pondo ng bayan para kontrolin ang mga pagbaha.

At kapag may nagsinungaling, I-CONTEMPT at IKULONG kaagad. Tutal, d’yan na kayo magagaling!