USONG-USO sa mga bagyo ang palakasan at pahabaan ng ulan sa mga panahong ito.
Habang mas mahaba at mas malakas ang ulan na dala nito, lalong mas matindi ang baha na likha nito.
At grabe kung pumerwisyo ang baha, bukod sa perwisyong dala mismo ng mga bagyo dala ng napakabibilis na hangin ng mga ito.
Binabanggit natin ito, mga brad, dahil tag-ulan ngayon na tag-bagyo na rin.
Itong bagyong si Carina na dumating nitong nakaraang buwan, may haba ang ulan nito na 18.5 pulgada at mas mahaba sa dala ni Ondoy 18 pulgada.
At naging mas malawak ang tinamaan ni Carina dahil inayudahan pa ng habagat.
Kaya gayun na lang ang mga baha na nilikha nito na pumerwisyo sa milyon-milyon nating mamamayan, kasama ang mga magdamag na stranded sa North Luzon Expressway at sa iba pang mga nabahang lugar, gaya ng Metro Manila.
Mas marami nga lang ang namatay kay Ondoy (665 katao) kaysa kay Carina (39) dahil dinaluhong nito ang malaking bahagi ng Metro Manila at Bulacan.
Ngayon naman, nagpapasalamat tayo na hindi sa Pilipinas kundi sa Japan tumama ang bagyong si Shanshan.
Grabe ang dinala nitong ulan na may sukat na isang metro sa haba at kulang-kulang lang sa 1 metro at walong pulgada sa ibinagsak ni Yolanda sa Leyte, Samar noon.
Kung tumama si Shanshan sa Pinas, ano kaya ang nangyari?
Tiyak na matindi sana iyon lalo’t tumagal ito sa Japan sa loob ng limang araw mula Martes hanggang kahapon.
Maaaring totoo o hindi na likha ng climate change o pag-iinit ng mundo ang mga malalakas at mauulan na bagyo.
Pero dapat lagi na tayong maghanda kung may mga dumarating na bagyo para sa ating kaligtasan mula sa mga bahang likha ng mga ito..
Pinakaligtas ang ating kalagayan kung sumunod tayo sa mga habilin ng mga awtoridad ukol sa pagbabakwit laban sa baha na mapaminsala sa buhay at ari-arian.