Home OPINION LAGIM NG ONLINE GAMBLING

LAGIM NG ONLINE GAMBLING

223
0

KINAILANGAN pa ng isang dayuhan na naging Pilipino para ipamukha sa atin ang isang kahiya-hiyang katotohanan na matagal na nating kinukunsinti. Ibinulgar ni Kyle Jennermann ng BecomingFilipino, ngayon ay isa nang naturalized citizen, ang kanyang pagkadismaya habang sinasaksihan kung paanong sinasayang ng isang jeepney driver — posibleng malapit nang mag-senior citizen — ang maghapon niyang pinagpagurang kitain sa tig-₱50 pagtaya sa online bingo sa gitna ng pamamasada. Kahanga-hanga ang malasakit ni Jennermann; pero ibinunyag din niya ang isang kahihiyan natin bilang bansa: kung paanong hinahayaan lang natin ang unti-unting pagkasira ng buhay na epekto ng pagsusugal.

Bakit sandamakmak ang gambling ads ngayon? Bakit hinahayaan lang ng gobyerno ang pamamayagpag ng mga ito sa social media? Paano pinoprotektahan ang mga walang pinansyal na kakayahan na madaling mauto sa ganito? Ang mahihirap — gaya ng tsuper na ‘yon — ay inuudyukan ng apps na nagpapadali sa pagsusugal, mabilisan, at nakapanlulumo. Ang mga kumpanyang tulad ng GCash, kung saan ginagawa ang karamihan sa mga ganitong transaksyon, ang dapat na unang nagpoprotekta sa mga tinatarget na mabiktima.

Kung kaya ng Meta na i-block ang disinformation sa larangan ng pulitika, siguradong kaya rin ng Facebook na himukin ang users na i-flag ang gambling ads bilang spam o, mas maigi pa, tuluyang pigilan ang pagkalat ng mga ito. Pero hindi nito iyon gagawin — dahil namumutiktik ang pera basta bisyo ang pinag-uusapan.

May nakababahalang katotohanan sa likod mga lisensyadong apps — ang pagkalat ng mga illegal online gambling site. Paanong nagsulputan na lang ang libu-libong sites na ganito? Inamin ng Malacañang na ipinasara nito ang mahigit 7,000 websites na may ganitong tema, pero kalaunan, nagsibalikan din sila gamit ang mga bagong domain. Dapat na walang tigil ang kampanya ng gobyerno laban dito. Ang mga tagapagpatupad ng batas — dapat silang magsanib-pwersa, at kung walang epekto ang mga umiiral nang batas laban dito, dapat na ring makialam ang Kongreso.

Ang ironic lang, habang ipinapangako ng gobyerno ang malawakang internet access sa buong bansa pagsapit ng 2028, gaya ng idineklara ni DICT Secretary Henry Aguda noong nakaraang taon, delikado namang lalo nating mapabilis ang access ng mahihirap sa mga ganitong mapagsamantalang platform.

Kung ang pagpapaigting ng internet connectivity ay magbibigay-daan lang sa mga scam at online gambling na pumupuntirya sa pinakamahihina sa atin, isinasadlak lang natin sa digital bankruptcy ang mahihirap sa ating bansa. Ang pinalakas na internet connectivity ay dapat na sabayan ng pinaigting na proteksyon, moral recovery programs sa mga eskwelahan, simbahan, at komunidad, at malawakang pagsupil sa lahat ng uri ng iligal na sugal.

Magsilbing paalala sana ito na kapag nagkagipitan na sa larangan ng sugal, hindi na malayong mauwi ang lahat sa patayan. Tingnan na lang nating halimbawa ang malagim na sinapit ng 34 na sabungero na ilang taon nang nawawala, simula pa noong may pandemya. Ibinunyag kamakailan ng isang bagong testigo na ang bangkay ng mga ito ay sinadya na hayaang maagnas sa kailaliman ng Taal Lake.

Marahil sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief PGen. Nicolas Torre III, mabubulgar ang karima-rimarim na katotohanan na ang pagsusugal ang isa sa pinakamalupit na uri ng planadong krimen. Umaasa ang Firing Line na ilalapat ni Torre ang buong bigat ng hustisya laban sa mga pulis na sangkot sa krimeng ito, pero higit sa lahat, pangunahan sana niya ang isang masusing kampanya laban sa malalimang korapsyon na konektado sa sugalan — sa online man, patago, o lantaran.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here