MANILA, Philippines – Patay ang isang 45-anyos na lalaki na isa ring person with disability (PWD) nang malunod ito sa isang family outing sa Binmaley Beach sa Pangasinan nitong Bagong Taon, Enero 1, 2025.
Ayon sa kapatid nitong si Eric, naligo si Franklin kasama ang anak nito at mga pamangkin nang tangayin ng malakas na alon.
“’Maliligo ako,’ sabi niya… kasama yung anak tapos tatlong pamangkin, pumunta sila, hinayaan ko lang. Mga isang oras, bumalik yung pamangkin namin. Ang sabi niya, ‘Tito, nalunod si Tito,’” ani Eric sa panayam ng GMA News.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
“Pagdating doon sa LDH, sabi ng doktor, 7-10 minutes na patay na ‘yung pasyente,” pahayag ni Armenia Delos Angeles, Binmaley MDRRM Officer.
Kilalang magaling na manlalangoy si Franklin sa kabila na wala itong kanang binti.
“Masakit sa amin din. Bagong taon, wala na siya. Nalulungkot kami. Masakit din sa pamilya namin na nawalan kami,” ayon pa sa kapatid.
Mula noong Disyembre 31, 2024 hanggang Enero 1, 2025 ay nakapagtala ang Pangasinan ng siyam na drowning incidents.
Tatlong kaso ang naitala sa Lingayen, dalawa sa Bolinao, at tig-iisa sa Binmaley, Mabini, San Fabian, at Dagupan City. RNT/JGC