Home NATIONWIDE ‘Tangkilikin ang pelikulang Pilipino!’ – Sen. Go

‘Tangkilikin ang pelikulang Pilipino!’ – Sen. Go

MANILA, Philippines – Bago magsara sa Enero 7, 2025 ang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024 na nagdiriwang ng ika-50 edisyon nito, hinikayat ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga Pilipino na samantalahin ang pagkakataong upang suportahan ang lokal na industriya ng pelikula.

“Ang MMFF ay isang mahalagang tradisyon na nagpapakita ng talento ng ating mga Pilipino sa paggawa ng pelikula,” ani Go na 6 taon nang miyembro ng MMFF executive committee (execom).

“Huwag natin palampasin ang pagkakataong ito na suportahan ang industriya ng pelikula habang tayo ay nag-eenjoy kasama ang ating pamilya.”
Ang pagdiriwang na may temang “Sinesigla sa Singkwenta” ay nagtatanghal sa 10 magkakaibang entry na sumasaklaw sa iba’t ibang genre, mula sa aksyon at romansa hanggang sa horror at musikal.

Higit sa pagtataguyod sa lokal na sinehan, binigyang-diin ni Senator Go ang kanyang mga inisyatiba sa lehislatibo upang iangat ang industriya ng media at entertainment, partikular sa mga manggagawa nito.

Kabilang sa mga ito ang pagpasa ng Eddie Garcia Law, kung saan kasama siya sa nag-akda at nag-spondor, bilang isang malaking tagumpay sa pagsusulong ng kapakanan at proteksyon ng mga propesyonal sa industriya.

Isinabatas ang Eddie Garcia Law upang bigyan ng sapat na proteksyon ang mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon na malaki ang iniaambag sa sining at kultura ng bansa.

Ito ay ipinangalan sa yumaong aktor at direktor na si Eddie Garcia, isa sa mga hinahangaang artista.

Nangako si Senator Go na patuloy niyang itataguyod ang pagpapalakas sa karapatan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagsusulong ng mas komprehensibong batas.

Sa katunayan, isinusulong niya sa Senado ang Senate Bill No. 1183, o ang ‘Media and Entertainment Workers Welfare Bill,’ na layong palawigin ang mga karagdagang proteksyon, seguridad, at insentibo sa mga manggagawa sa media sa iba’t ibang platform.

Aniya, hindi dapat pabayaan ang mga manggagawa na walang kasiguruhan sa kanilang kinabukasan kaya mahalagang magkaroon ng seguridad at tamang serbisyo para sa kanilang sakripisyo.

Binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng pagpapasigla sa talentong Pilipino sa pagsasabing ang bawat pelikula sa MMFF na bunga ng dugo, pawis, at pagmamahal ng mga gumawa nito ay dapat na patuloy na suportahan.

Kaya habang papalapit aniya ang araw ng pagsasara ng festival, hinimok ni Senator Go ang lahat na magtungo sa mga sinehan at manood ng mga pelikula.

“Huwag po tayong magpahuli. Isang malaking suporta sa industriya ang bawat ticket na binibili natin. Sa mga hindi pa nakanood, habol na po!” hikayat ng senador. RNT