Home OPINION LEGARDA SEGURISTA?

LEGARDA SEGURISTA?

232
0

TILA raw naging tuso at sigurista si Senadora Loren Legarda sa pagpapalit ng liderato sa Senado, ayon sa ating mga katoto.

Pebrero 1 pa lang daw, may sapat nang boto para patalsikin si Senate President Vicente “Tito” Sotto III. Ngunit nang malaman ni Legarda na si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang ipapalit kay Sotto, biglang umeksena ang senadora at iginiit na siya ang nararapat maging Senate President.

Ang kabalintunaan ng pangyayari, hindi sinuportahan si Legarda ng mga kasapi ng minorya, kaya pansamantalang naantala ang pagpapalit ng liderato.

Bigla namang tumahimik ang senadora at noong Pebrero 4 matapos masuspinde ang sesyon, lumabas ang plano na term-sharing ang balak sa pagitan ni Legarda at ni Sotto. Kitang-kita na handa siyang mamangka sa dalawang “ilog” upang makamit ang pamumuno sa Senado.

Malinaw na may personal na interes si Legarda. Sa sandaling maging Senate President, tiyak na magiging maingat ang ibang mambabatas sa imbestigasyon laban sa dating kompanyang Solar Philippines ng kanyang anak na si Batangas 1st District Representative Leandro Leviste syempre kasama ang prankisa nito.

May ilang mambabatas na umamin na sila ay kinausap ni Legarda para sa prangkisa. Ngayon na may imbestigasyon na, malinaw na kailangan niya ng proteksyon sa pamamagitan ng posisyon sa Senado.

Hindi seniority ang dapat batayan ng liderato. Dapat lider na malinis, independyente, at walang bahid sa pangalan. Hindi pwede isakripisyo ang integridad ng Senado para sa personal na interes.

Dapat magising ang totoong mayorya at huwag payagang maupo ang lider na may kuwestyon sa pagkatao at integridad.

Ang “kapit-tuko” sa mayorya para sa sariling proteksyon, kahit pa hudasin ang kaibigan, ay mali. Ang Senado ay hindi dapat maging kuta para sa personal na interes at ito ay para sa mamamayang Pilipino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here