HINDI pa kumpirmado subalit maaaring distracted driving ang isa sa mga dahilan ng road crash na kinasasangkutan ng isang dump truck at tricycle sa Barangay San Felipe, Ilagan, Isabela kamakailan. Dahil sa pangyayaring ito, nasawi ang isang batang lalaki at nahaharap ngayon ang driver sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Matapos nating panoorin ang nag-viral na CCTV footage, mapapansing nakahinto ang tricycle para kumuha ng tiyempo pakaliwa papuntang eskwelahan habang sa likuran naman nito ay mapapansin ang mabagal na galaw ng nasabing truck. Dahil sa patuloy na pag-andar, bumangga ito sa nakahintong tricycle kaya tumilapon at nagulungan ang batang biktima habang nagtamo naman ng sugat ang driver ng tricycle.
Sa industriya, nasa kategorya bilang mobile heavy equipment ang dump truck. Ibig sabihin, nangangailangan ito ng regular na inspeksyon upang masigurong walang magiging anomalya o depekto ang bawat component nito habang minamaneho. Samantalang ang driver ng mga ganitong vehicle ay nangangailangan ng karagdagang requirement para masiguro ang pagiging competent. Lahat nang ito ay paniniguro para sa kaligtasan ng driver, pahinante at road users.
Sa kabila nito, maaari pa ring tumaas ang panganib ng collision kung wala sa kondisyon at hindi alerto ang sinomang nagmamaneho. Nadaragdagan pa ang tyansa ng aksidente dahil sa mga unnecessary movement ng driver katulad ng paggamit ng mobile phone, pagpihit ng radio tuner, at iba pa. Naku, napakadelikado nito, dear readers, dahil sa isang iglap lang na makalingat tayo habang nagmamaneho ay maaaring maganap ang mga hindi inaasahan tulad ng nangyari sa Isabela.
Sa kabila nang katotohanang ang distracted driving ay isang desisyon na habambuhay na pagsisisihan, mayroon pa ring gumagawa nito ng habitual. Sa kasalukuyang panahon ng social media at instant communication, tila normal na ang pagsagot ng tawag, pag-text, o pag-scroll habang nasa likod ng manibela. Ang masaklap pa rito ay kung may ka-video call o nagla-live sa social media ang nagmamaneho.
May batas tulad ng RA 10913 o Anti Distracted Driving Act na ipinatutupad ang Land Transportation Office, pero ang isang malaking katanungan, gaano ka-epektibo ang implementasyon nito? Paano mabibigyan ng apprehension ang sumasalungat kung heavy tinted naman ang kanilang vehicle windshield at front windows sa kabila ng requirement na minimum visible light transmission?
Nakikita rin kaya ng enforcer ang nagla-live na driver ng malalaking truck? Iiwan natin ang mga katanungang ito para sa mga awtoridad.






