IDINEKLARANG iligal ng Korte Suprema ang paglilipat ng P60 bilyon excess fund ng Philippine Health Insurance Corp. sa National Treasury noong 2024. Ngunit may mahahalagang probisyon na pinagbasehan ang SC sa desisyon nito.
Una, ang paglilipat ng sobrang pondo ng PhilHealth at iba pang government-owned controlled corporations ay batay sa Special Provision 1(d) ng Chapter XLIII ng 2024 General Appropriations Bill o Budget Law.
Sa ilalim ng naturang probisyon, pinayagan ang Department of Finance na ipalipat ang sobrang pondo ng GOCC sa National Treasury upang magamit para sa mga proyekto ng gobyerno.
Gamit ang probisyong nakalagay sa GAA, naglabas si noo’y’ DOF Secretary Ralph Recto ng Circular No. 003-2024 hinggil sa cash sweep ng sobrang pondo.
Bagamat sinabi ng SC na labag sa Konstitusyon, apat na mahistrado ang nanindigang walang pananagutang kriminal si Recto dahil ang kanyang ginawa ay alinsunod sa utos ng Kongreso sa inaprubahang GAA. Dangan kasi, ang Kongreso ang may eksklusibong kapangyarihan sa pagbabadyet batay sa 1987 Constitution.
Kumuha rin muna si Recto ng clearance sa Office of the Solicitor General, Office of the Government Corporate Counsel, Governance Commission for GOCCs, Commission on Audit at maging sa PhilHealth Board mismo.
Ang P60 bilyon mula sa PhilHealth patungong National Treasury ay hindi rin ginamit sa flood mitigation projects kundi para sa public health emergency benefits and allowances ng healthcare workers at non-HCWs noong Covid-19 lockdown; gayundin sa medical assistance to indigent and financially incapacitated patients.
Sa kabuuan, P46.7 bilyon ang napunta sa pangkalusugan at P13 bilyon sa government counterpart financing o foreign-assisted infrastructure at social development projects.
Sa katunayan, sa tulong ng P60B nakatenggang pondo, naiwasan ang muling pangungutang na sana’y nadagdag sa public debt stock.
Ang nilinaw dito, hindi galing ang pondo sa kontribusyon ng miyembro. Mula ito sa subsidies at sa “sin” taxes mula sa tobacco products at alak.
Sabi nga ni Associate Justice Raul Villanueva sa kanyang opinyon, bakit parurusahan si Recto na gumanap lang naman sa kanyang tungkulin?






