Home OPINION MAGDASAL MUNA BAGO SAKAY SA PLANE

MAGDASAL MUNA BAGO SAKAY SA PLANE

KATATAPOS lang ang Pasko at Bagong Taon na katakot-takot ang biyahe ng mga tao sa pamamagitan ng eroplano.

Hindi rin pahuhuli ang mga araw na ito hanggang tag-init sa pagkakaroon ng biyaheng eroplano pa rin.

Pero, sana, bago sumakay, magdasal ang lahat na walang mangyayaring hindi maganda.

Totoo na ligtas sa disgrasya ang higit na nakararaming biyahe sa eroplano, pero mayroong sumisingit na nakatatakot.

‘Yun bang === namamatay lahat o kokonti lang ang naliligtas sa mga crash o iba pang anyo ng disgrasya.

2 DISGRASYANG MAGKASUNOD

Dalawang magkasunod na disgrasya ang kinasangkutan ng mga kompanyang Koreano nitong mga nakalipas na araw.

Pinakahuli ang naganap nitong nakaraang Martes ng gabi na pagkasunog ng Air Busan Airbus A321, BX391 na nakarehistrong HL7729.

Sakay na lahat ang pasahero sa Gimhae International Airport sa Busan, South Korea patungong Thailand nang bigla na lamang nagkasunog sa parteng puwit ng eroplano.

Mabuti na lang mabilis na naipatupad ang tinatawag nilang emergency protocol at naibakwit at nailigtas ang lahat ng 169 na crew at pasahero.

Mabilis na kumalat ang apoy sa buong katawan ng eroplano at nakitang natupok ang kabuuang itaas na bahagi nito makaraan.

Wala pang nakaaalam ang naging sanhi ng sunog sa eroplano na gawa ng kompanyang Airbus na nakabase sa Europa.

Nitong Disyembre 29, 2024, nag-emergency landing ang Jeju Air flight 2216 sa Muan Airport, South Korea dahil bigla na lang nagkadepekto ang paglipad nito.

Sa halip na bumaba at maglanding sa karaniwang babaan ng mga eroplano, pasalungat ang ginawa nito at bumangga sa kongkretong gamit sa paggabay sa mga eroplano.

Hayun, sumabog at lumiyab at dalawa lang ang naligtas sa 175 pasahero at apat na crew.

Naligtas ang dalawang crew nang humiwalay ang buntot ng eroplano na roon sila nakapwesto nang mangyari ang disgrasya.

Gawang Boeing at Amerikano naman ang eroplano, model 737-800s. na kilala sa pagiging ligtas at matipid sa fuel at nanggaling naman sa Suvarnabumhi Airport, Thailand.

Sa pagsusuri ng mga imbestigador, lumitaw na nagbara ang magkabilang makina ng eroplano nang makakain ng mga wild duck o lumilipad na pato o itik sa ere dakong alas-8:45 ng umaga.

Tugma ito sa report ng mga piloto na nakasagasa sila ng maraming lumilipad na ibon habang lumilipad sila sa lugar.

DASAL KAILANGAN

Talagang kailangan ang dasal bago sumakay ang sinoman sa eroplano.

Sa mga sakay ng mga panlupa at pandagat na mga sasakyan, malaki lagi ang posibilidad na mabubuhay ang mga pasahero, bagama’t may pagkakataon na kakaunti lang ang naliligtas ngunit bibihira.

Pero sa eroplano, laging patay lahat o kakaunti ang naliligtas na pasahero.

Ganyan katindi ang mga nagaganap sa eroplano.

Wala tayong magawa kundi ipaubaya sa mga may gawa, mekaniko, piloto at crew ang mga eroplano.

At ang magagawa lang natin ay magdasal at humingi ng awa ng Mahabaging Diyos para sa ating kaligtasan sa biyahe.

Kung hindi mo alam ang magdasal, magpaturo ka sa iba, kahit hindi mo karelihiyon.