
NAGSISIMULA nang “mahubaran” ang katotohanan hinggil sa kaso ni ‘Deng Yuanqing,’ na hinuli ng mga awtoridad noong isang linggo dahil isa umano itong ‘Chinese spy.’
Sa isang ‘presscon’ sa ‘Kamuning Bake Shop’ ni kaibigang Wilson Flores nitong Enero 27, sinabi ni Noemi Deng, asawa ni Qing, na hindi kailanman espiya ang kanyang asawa at bagkus ay isang ‘road surveyor’ at ‘road mapper’ para makakalap ng datos na magagamit para sa operasyon ng ‘smart vehicle technology.’
Nasa presscon din si Teresita Ang See na ang kredibilidad ay hindi pwedeng pagdudahan. Alam nating hindi “magpapagamit” si Ang See lalo pa nga kung totoong espiya ang gusto niyang tulungan.
Ang mga ibinibintang na umano’y ‘spying equipment’ na nakuha kay Qing ay hindi para mag-espiya bagkus, para sa kanyang trabaho.
Palibhasa nga kasi at ‘backward’ ang mga Pinoy pagdating sa makabagong teknolohiya na karaniwan na lang sa China kaya marahil hindi pa nila alam na “ordinaryo” na lang sa China, partikular sa Shenzhen, ang mga sasakyan na walang driver.
Sandamakmak na rin ang ‘satellites’ ng China kaya kalokohan na gagamit pa sila ng mga espiya para lang ilagay sa mapa ang bawat lugar ng ‘Pinas. ‘Common sense,’ naman, mga bossing, please?!
Ang ginagawang panggigipit ng gobyerno sa mga katulad ni Deng Yuanqing ay walang pinag-iba sa nangyari noong 2023 sa Port of Batangas kung saan isang ‘chartered vessel’ ng China ang kinumpiska ng gobyerno at hinuli ang mga tripulanteng Chinese sa bintang na ‘smuggling’ ng asukal.
Sa insidente, alam ba ninyo na sa piskalya pa lang, nabasura na ang kaso dahil nang busisiin ang bintang, walang ebidensya at walang katotohanan?
Hindi malayong sa ganito rin mauwi ang nangyari kay Deng. Pinagbintangan, nilabag ang mga karapatan, kahit walang katotohanan.
‘But the damage has been done,’ wika nga, na siyempre ay siya namang gusto ng ating mga among Kano.