
NITONG Abril 13, 2025, pormal na nagbukas ang World Expo 2025 sa Yumeshima Island, Konohana-ku, Osaka, Japan, na nilahukan ng nasa 10,000 manonood, 160 mula sa iba’t ibang bansa, mga organisasyon at mga institusyon, na nagtatampok sa kani-kanilang teknolohiya, sining, kultura, kalinangan at pagkain, sa temang “Designing Future Society for Our Lives.”
Kabilang sa mga tampok sa eksibit ang meteorite mula sa planetang Mars, isang pusong artipisyal na tumitibok na mula sa stem cells, Moon rock na nakuha sa Buwan noong 1972, Hello Kitty na nasa anyong algae, bahagi ng bato mula sa western wall ng Jerusalem, at marami pang iba.
Ayon sa mga nasa likod ng Expo, ito ay isang mahalagang pagkakataon kung saan nagkakatipon-tipon ang napakaraming kultura at mga bansa sa isang lugar upang lumikha ng pagkakaiba-iba at pagkakaisa.
Binigyang-diin ni Japanese Prime Minister Shigeru Ishiba na malaki ang maitutulong ng Expo upang makabuo ng damdamin ng pagkakaisa sa isang nahating lipunan.
Kinagigiliwan ng mga bisita ang opisyal na mascot na si “Myaku-Myaku” na ang ibig sabihin sa salitang Hapon ay “tuloy-tuloy.” Sinisimbolo ng mascot ang pagdaloy ng buhay, ang pagsasanib ng kalikasan at teknolohiya, pagkakaroon ng kamalayan at kaalaman, ang koneksyon ng nakaraan, ng kasalukuyan at hinaharap, at pagkakaroon ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba.
Ang Expo ay kilala rin bilang “World’s Fair,” isang pandaigdigang eksibisyon na nagsimula sa Crystal Palace ng London noong 1851 at ginaganap tuwing limang taon.
Ang edisyon noong 2020 sa Dubai ay naantala dahil sa COVID-19 pandemic.
Unang beses na ginanap ang Expo sa Osaka noong 1970, kasagsagan ng kasikatan ng Japan pagdating sa teknolohiya. Umabot sa 64 milyon ang mga dumagsang bisita.
Sa kasalukuyan, batay sa mga survey, mababa ang sigla ng publikong Hapon para sa Expo, lalo na’t lumampas ito ng 27 porsyento sa itinakdang badyet.
Sa ngayon, nasa 8.7 milyon advance tickets pa lamang ang nabebenta, mas mababa sa target na 14 milyon.
Nakikipagsabayan naman sa pagandahan ang Philippine Pavilion na may temang “Woven: Nature, Culture & Community – Woven Together for a Better Future” na isang makabagong arkitektural at kultural na pagtatanghal na nagpapakita ng pagkakaugnay-ugnay ng kalikasan, kultura, at komunidad ng Pilipinas.
Layon ng pavilion ng bansa na hikayatin ang mga bisita na tuklasin ang kagandahan ng Pilipinas.
Ito ay isang paanyaya na maranasan ang “Love the Philippines” sa pamamagitan ng isang makabagong at makabuluhang paglalakbay. Magtatagal ang World Expo hanggang Oktubre 13, 2025.