Home OPINION MAHIRAP NA PAMILYANG FILIPINO MULING TUMAAS ANG BILANG, AYON SA SWS

MAHIRAP NA PAMILYANG FILIPINO MULING TUMAAS ANG BILANG, AYON SA SWS

MULING tumaas ang bilang ng mahihirap na pamilyang Filipino ngayong April 2025 ayon sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS).

Mula sa 50 porsyento noong Enero 2025, tumaas ito sa 51 porsyento ang self-rated po­verty noong Pebrero 2025, at muling tumaas sa 52 porsyento noong Marso 2025. Sa survey na isinagawa ng SSS mula Abril 11 hanggang Abril 15, 2025, umakyat ang bilang ng mahihirap na pamilya sa 55 porsyento o katumbas ng 15.5 milyon na mga pamilya kumpara sa 14.4 milyon noong Marso 2025.

Naabot ng self-rated po­verty ang pinakamataas nitong antas sa mahigit dalawang de­kada noong Disyembre 2024 na umabot ito sa 63 porsyento.
Bumagsak ito sa 50 porsyento pagpasok ng Enero 2025.

Ang mga nagsabing sila ay “hindi mahirap” ay bumaba sa 32 porsyento sa pinakahuling survey, mula sa rekord na 36 porsyento sa unang tatlong buwan ng taon. Sa pagtatapos ng 2024, ito ay nasa 26 porsyen­to.

Nanatili naman sa 12 pors­yento ang nagsabing sila ay “borderline” mahirap nitong Abril 2025.

Sa mga rehiyon, pinakama­taas ang self-rated poverty sa Mindanao na umabot sa 70 porsyento, mula 60 porsyento noong Marso 2025, sinundan ng
Visayas na may 67 pors­yento mula 62 porsyento, ang Metro Manila na may 45 pors­yento mula 41 porsyento, at ang Balance Luzon na may 44 pors­yento mula 46 porsyento.

Ang mga nagsabing sila ay “hindi mahirap” ay pinakamarami sa Metro Manila na may 45 porsyento mula 48 porsyento, sinundan ng Balance Luzon na may 44 porsyento mula 43 porsyento, Visayas na may 21 porsyento mula 25 porsyento, at Mindanao na may 16 pors­yento mula 27 porsyento.

Nasa kabuuang 1,800 res­pondente ang kinausap ng SWS at may margin of error na plus o minus 2.31 porsyento.

Ayon sa mga eksperto, kabi­lang sa mga dahilan ng pagtaas ng bilang ng pamilyang Filipino na nagsasabing sila ay mahirap dahil sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, kakulangan sa sapat na trabaho at kita, epekto ng kalamidad o krisis, hindi pantay na distribusyon ng yaman, at sikolohikal.

Tumataas ang bilang ng ma­hihirap sa kabila ng bilyong-bil­yong pisong inilalaan ng pamahalaan sa mga programa para sa ayuda kabilang ang Assistance to Individuals in Crisis Si­tuations (AICS), kontrobersyal na Ayuda para sa Kapos ang Kita (AKAP), at Pantawid Pamil­yang Pilipino Program (4Ps) na iniimplementa ng Department of Social Welfare and Development, at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).