MANILA, Philippines – Nanawagan ng unity o pagkakaisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez kasunod ng serye ng mga drama sa Kamara sa mga nakalipas na linggo sa umano ay planong kudeta laban sa liderato nito.
Ang panawagan ni Romualdez ay kasabay ng pagkilala sa kanya ng House of Representatives dahil sa kanyang pamumuno sa kapulungan sa 1st Regular Session.
“I must also emphasize the importance of unity and cooperation among all our political parties,” sinabi ni Romualdez sa kanyang speech bago tuluyang magsara ang unang regular na sesyon ng 19th Congress.
“Pursuant to our shared vision of a strong republic, leaders of major political parties in this august halls have expressed their unwavering commitment to work together for the passage of the pro-people legislative agenda of President Marcos (Jr),” ayon pa sa House Speaker.
Ganito rin ang mensahe ng Pangulo sa kanyang video message nang magpasalamat ito sa mga mambabatas sa kanilang pagsisikap sa gawain.
“Remain united, determined, and passionate. Be the voice of the people and fulfill your duties as servant leaders in your respective districts and provinces,” ayon kay Marcos.
Sina House Majority Leader Manuel Jose Dalipe at Minority Leader Marcelino Libanan ang nanguna sa kapulungan sa pag-apruba sa House Resolution 1055 na kumikilala kay Romualdez sa kanyang “exceptional, reformative and effective” na pamumuno bago tuluyang magtapos ang sesyon.
Nitong nakaraang linggo, ilang partido pa ang nagpatibay ng suporta sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), na pinamumunuan ni Romualdez.
Ito ay kasunod ng pumutok na balita kung saan nasa likod umano ng tangkang kudeta si dating Pangulo at Pampanga 1st Distric Rep. Gloria Macapagal Arroyo para mapatalsik si Romualdez bilang House Speaker.