Home METRO Masayang victory party motorcade, nauwi sa trahedya; 1 patay, 5 sugatan

Masayang victory party motorcade, nauwi sa trahedya; 1 patay, 5 sugatan

ILOCOS SUR- Nauwi sa trahedya ang masaya sanang victory party motorcade sa national highway sa Brgy. Suso, Sta. Maria ng lalawigang ito, kahapon ng umaga, Mayo 15 matapos na araruhin ng isang Forward Cargo truck ang apat na motorsiklo at isang kurong-kurong na kasali sa motorcade.

Isa ang nasawi sa naturang insidente samantalang lima ang sugatan.

Ayon sa Sta. Maria MPS, ang Isuzu Forward Cargo Truck na umararo sa naturang victory party motorcade ay minamaneho ng 54-anyos na lalaki na residente ng Brgy. Pugo, Bauang, La Union.

Kabilang sa mga sasakyan na inararo ng Cargo truck ang Euro 125 motorcycle na minamaneho ng 34-anyos na lalaki na residente ng Brgy. Tangaoan, Sta. Maria, Ilocos Sur; Yamaha NMAX na minamaneho ng isang lalaki na may backrider na babai na parehong residente ng Brgy. Baliw Daya, Sta. Maria, Ilocos Sur; Yamaha NMAX na minamaneho ng isang 44-anyos na lalaki na residente ng Brgy. Ag-agrao, Sta. Maria, Ilocos Sur; Mio i125 motorcycle na minamaneho ng 39-anyos na lalaki na residente ng Brgy. Cabaroan, Sta. Maria, Ilocos Sur; at Kurong-kurong na minamaneho ng isang lalaki na residente ng Suso, Sta. Maria, Ilocos Sur.

Nabatid na naghahanda ang mga biktima para magsimula sa gagawing Victory Party motorcade ng nanalong grupo sa katatapos na 2025 national and local elections nang biglang araruhin sila ng truck.

Lumalabas sa imbestigasyon na nag-overtake ang truck sa sinusundan nitong sasakyan at biglang nawalan ng kontrol ang driver sa manibela kaya nangyari ang insidente.

Dead on the spot sa naturang insidente ang 44-anyos na driver ng Yamaha NMAX samantalang ang mga ibang biktima na pare-parehong nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan ay isinugod sa Narvacan District Hospital.

Hindi naman nasaktan sa naturang insidente ang driver ng Cargo truck. Rolando S. Gamoso