ANOMANG araw, darating na ang maulan na habagat at kakambalan ng El Niño na magsisimula sa Hunyo-Agosto at magiging malakas lalo na simula sa Setyembre-Nobyembre 2026 at magtutuloy-tuloy ito sa unang mga buwan ng 2027.
Ayon ito ito kay Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) Climatology and Agrometeorology Division officer Joey Figuracion.
Gayunman, ang tag-ulan ay maaaring susunod nang maganap sa unang bahagi ng Hunyo 2026 at magkakaroon ng malalakas na pag-ulan lalo na sa mga kanlurang bahagi ng Pinas, sa Kabisayaan at Luzon, lalo’t magiging kakambal ng tag-ulan ang habagat at 13 bagyo.
MALALAKING PAGBAHA AT LANDSLIDE
Dahil nga sa tripleng habagat, tag-ulan at nga bagyo na magdadala ng malalakas na ulan, asahan na natin ang mga katakot-takot na pagbaha, landslide at iba pang kasiraan sa kapaligiran.
Lilikha ang mga ito ng pagkasira ng mga buhay at ari-arian gaya ng nararanasan natin taon-taon.
May mga mamamatay na tao sa landslide at baha, gayundin sa mga hayop, isda at halaman.
Madadamay ring masira ang mga paaralan, tahanan, tulay, kalsada, paliparan at iba pa kaya matatamaan din ang pag-aaral ng mga bata, transportasyon, komunikasyon, negosyo, hanapbuhay at iba pa.
Tiyak na lilikha ang lahat ng ito ng maraming kamalasan gaya ng malawakang taggutom, paghihirap, kabobohan sa mga mag-aaral, pagkakasakit at iba pa.
MATAGALANG SUPER EL NINO
Tinatawag na super El Nino ang darating na sisingit-singit sa habagat, tag-ulan at tag-bagyo at tatama nang husto sa huling bahagi ng 2026 at unang bahagi ng 2027 kaya magiging tuloy-tuloy ang kamalasan natin.
Dito, may mamamatay ring mga tao sa heat wave o sobrang init ng panahon at madadamay ring mamamatay ang maraming hayop, halaman at puno at maging ang maraming ilog, sapa at iba pang katubigan.
Karaniwan ding nagdadala ito ng peste hindi lang sa mga hayop at fishkill mga isda kundi sa pagkatuyo at pagkamatay ng mga halaman at puno na atin ikinabubuhay.
Kung milyong katao ang peperwisyuhin ng habagat, tag-ulan at tagbagyo, anak ng tokwa, ganito rin ang mangyayari sa El Nino.
MGA PAGHAHANDA
Siyempre pa, lahat tayo ay dapat na maghanda ngayon pa lamang sa darating na matitinding krisis sa buhay, ari-arian, hanapbuhay, negosyo, pag-aalaral, kalusugan, transportasyon, komunikasyon at iba pa.
Pero ang higit na inaasahan natin ay ang paghahanda mismo ng ating pamahalaan na inaasahan nating dapat kikilos.
Ito’y dahil ipinasasakamay natin sa pamahalaan ang mga panghuling ayuda sa oras ng kagipitan.
Alalahaning mula sa pagkapanganak hanggang sa huling hininga natin, nagbibigay tayo ng mga buwis na direkta at hindi direkta.
Nagbubuwis tayo nang direkta sa ating mga ari-arian gaya ng house and lot, sasakyang binibili, kinikita sa negosyo at maging sa house and lot sa sementeryo.
Nagbubuwis din tayo nang hindi direkta gaya ng binibili nating may mga expanded value added tax.
At trilyon-trilyong piso ang naiipon ng pamahalaan sa mga buwis na ito upang magsilbing pang-serbisyo publiko, lalo na sa kagipitan.
Nasaan na ang paghahanda ng pamahalaan para tayo’y ayudahan sa gitna ng habagat, tag-ulan, tag-bagyo at El Nino?






