NOON lang Mayo 18, ibinida ni Palace spokesperson Atty. Claire Castro na “iniimbestigahan” na si Mindanao State University President Atty. Paisalin Pangandaman Tago batay sa mga reklamong ibinato sa kanya ng mga estudyante, mga magulang at ilang faculty members kaugnay ng kanyang pagpapatakbo sa nasabing state university.
Ayon pa kay Atty. Claire, ang imbestigasyon ay ipinasa sa tanggapan ni Commission on Higher Education Chairperson Shirley Agrupis.
Dalawang buwan na ngayon ang nakaraan pero, may imbestigasyon nga bang ginawa o ginagawa ang CHED? O, “mema” (may masabi) lang si Atty. Claire sa nasabing isyu?
Nagrereklamo naman ang mga kapatid natin sa media dahil hindi rin daw nila “mahagilap” si Chairperson Agrupis para magbigay linaw sa estado ng imbestigasyon— kung meron nga.
“Tamang hinala” ang mga miron sa sinasabing imbestigasyon ng Palasyo dahil alam na alam kasi sa buong MSU Community na “nasungkit” ni Atty. Tago ang kanyang pwesto sa tulong ng “pinsan” na si dating Budget Secretary Amenah Pangandaman na kilalang “bagyo” ang impluwensya kay PBBM.
Nag-resign noong Nobyembre si Pangandaman para hindi na maimbestigahan sa naging papel sa bilyones na flood control project scam pero balik-pwesto na uli bilang bagong Chairman/CEO ng Al-Amanah Islamic Investment Bank. Aba’y “bagyo” nga talaga!
Naungkat ang CHED probe kay Tago dahil may bago na naman palang kontrobersiya sa MSU. Hays!
Sa official FB page pa rin ng MSU Community, inakusahan naman si MSU Executive Vice President Dr. Abdulcader Maruhom Ayo ng mga anomalya! Si Tago ang nagpwesto kay Ayo, ayon pa sa mga miron.
“Burado” na ngayon ang mga naging banat sa Executive VP at napalitan na ng mga komento na nagtatanggol sa kanyang integridad at kredibilidad.
Sa asinta naman ng mga miron, hindi nakatutulong ang pagiging “makupad” ng Palasyo at CHED sa imbestigasyon sa mga nangyayari ngayon sa MSU sa ilalim ni Tago.
Sa halip kasing mabawasan ang mga isyu, nadaragdagan pa. Abangan!






