Home OPINION MAYOR, BAWAL MAGTURO, DAPAT MAMUNO

MAYOR, BAWAL MAGTURO, DAPAT MAMUNO

KUNG ang Department of Interior and Local Government ang pagbabasehan kaugnay sa performance ng isa sa mga alkalde ng Tuguegarao, malamang sa alamang,hindi bagsak ang pamumuno rito ni Mayor Maila Ting Que dahil pasok ito sa kanilang panuntunan pagdating sa transparency.

At iyan ang ipinagmamalaki ni Mayor Ting-Que sa kanyang vlog kung saan nauubos yata ang kanyang oras. Siyempre, hindi nairereport pa ang ilang ginagawa nito sa kanilang bayang pinamumunuan.

Pero nitong bago magtapos ang 2024, may mga kontratang pinasok na naglalabasang palpak ang pamamalakad ng unang babaeng alkalde ng nasabing lugar. At dyan na nagsimulang umaksyon ang nasabing alkalde pero ang ginagawa niyang aksyon ay puro paninisi sa nagdaang administrasyon at pagtuturo naman sa mga dapat na magtrabaho kaugnay sa reklamo.

Sa pagba-vlog niya ipinakikita ang kanyang aksyon sa pamamagitan nang pagtitipon ng mga kasama sa proyekto at pagpapaliwanag. At panay pa ang banat niya sa mga nakapupuna ng mga hindi magandang pangyayari sa kanyang pinamumunuang lungsod.

Isang halimbawa ang slaughterhouse ng lungsod na sinasabing marumi at kalye sa isang barangay na nasira dahil sa hindi pa malamang dahilan. Sabi niya, hindi siya “Bully” dahil malumanay naman ang kanyang pananalita. Pero ang totoo, sobrang sarcastic naman nitong si Mayora.

Sa halip na umaksyon na lang nang maayos at tahimik, sa vlog niya idinadaan ang aksyon na lumalabas tuloy na hinihiya niya at sinisisi niya ang mga tauhan  niya. Eh di ba kapag palpak ang mga tao niya,sa kanya rin ang bagsak dahil nangangahulugan ito na hindi siya maayos mamuno?

Dapat itigil na ang paninisi at pagtuturo sa kung sino ang dapat magtrabaho sa mga reklamo dahil ang palpak ng mga tao o mga head ng offices ng lokalidad mo ay babagsak din sa iyo. Tandaan, bahagi yan ng ‘command responsibility’.