Home OPINION MAYOR ISKO SERYOSONG TINUTUGUNAN PROBLEMA SA BAHA

MAYOR ISKO SERYOSONG TINUTUGUNAN PROBLEMA SA BAHA

234
0

HINDI lang problemang pinansyal at malalaking utang na ipinamana sa kanya ng nakaraang administrasyon ang tinutugunan ngayon ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kundi maging ang matagal ng problema sa baha sa Maynila tuwing panahon ng tag-ulan.

Personal niyang pinangasiwaan ang pagbubukas ng mga imburnal sa kahabaan ng Taft Avenue na lumubog sa tubig-baha noong kasagsagan ng habagat na pinalakas pa ng bagyong Crising para maalis ang mga bara.

Hindi lang kasi mga basura ang nakuha sa mga binuksang imburnal kundi mga burak, buhangin, at tuyong semento na humaharang sa daloy ng tubig kaya sa kalye na naiipon ang tubig sa halip na dumaloy sa mga drainage.

Sabi ng alkalde, hindi sila titigil sa tuloy-tuloy na paglilinis ng mga imburnal, sapa, at iba pang daluyang tubig kahit na pansamantalang solusyon lang para mapigilan ang malawakang pagbaha.

Hindi rin aniya isang ningas-kugon ang kanyang utos sa mga opisyal ng 896 na barangay sa Maynila na gawing clean-up at declogging day ang araw ng Sabado na kanyang ipinamo-monitor sa Barangay Bureau para tiyaking tatalima ang mga opisyal at maparusahan ang tutulog-tulog sa pansitan.

Kabilang naman sa naiisip ni Yorme Isko na pangmatagalang solusyon sa problema sa baha ang pagdaragdag ng sewerage treatment plant at Pumping Stations na hihigop sa mga tubig-baha sa mga mababang lugar sa lungsod.

Batid ng alkalde na malaking pondo ang kinakailangan dito ng pambansang pamahalaan, partikular ang Department of Environment and Natural Resources magtayo pa ng mga STP nang sa gayon ay makasunod sila sa writ of mandamus ng Korte Suprema na kailangang malinis na ang tubig na maitatapon sa Manila Bay.

Sa ngayon, iisa pa lang ang STP sa Roxas Blvd. kaya kinakailangang isara muna ang ilang floodgates upang dumaan muna sa treatment facility ang tubig at binubuksan lamang ang mga ito kapag talagang kinakailangan tulad ng ginawang pagbubukas noong Hulyo 16.

Sabi ni Yorme, kailangan din ang mga karagdagang pumping stations na hihigop sa mga tubig baha dahil may ilan aniyang bagong pumping station sa hindi gumagana.

Kulang na kulang pa rin ang pumping stations kaya hiling ni Yorme sa Department of Public Works and Highways na bumuo pa ng maraming pumping stations para sa matagalang solusyon sa pagbaha.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here