Home OPINION MGA HAMON SA DENR

MGA HAMON SA DENR

MEDYO nakalulungkot ang mga nabasa at narinig ko tungkol sa Department of Environment and Natural Resources nitong mga nakaraang linggo. Mataas ang respeto ko sa DENR, dahil alam ko kung gaano kahalaga ang papel na ginagamapanan ng ahensyang ito, lalo na nga at nasa gitna tayo ng nagbabagong klima at humaharap sa panahon ng El Niño.

Bukod pa ‘yan syempre sa personal kong pagtatangi sa kagandahan at kagalingan na dulot ng likas-yaman sa mga tao.

Naisulat ko na minsan ang isyu ng illegal resorts sa Chocolate Hills sa Bohol. Tingin ko ay parehong may pagkululang ang lokal na pamahalaan at ang DENR sa mga pagkasira na dulot ng illegal resorts.

Sumunod ay ang isyu sa Masungi Georeserve na nasa loob ng Upper Marikina Watershed Protected Landscape, sa mga bayan ng Rizal. Sa imbestigasyon ng Senado, parang hindi ako makapaniwala sa paliwanag ng DENR na labag daw sa batas ang pangangalaga ng Masungi Foundation sa protected area na ito, dahil sa teknikal na nilalaman ng Memorandum of Agreement  ng DENR at Masungi Foudnation na “in perpetuity” ang pagbabantay, pag-iingat at pagtatangol sa likas na yaman sa loob ng Masungi.

Sa akin lang naman, sa dinami-dami at matagal na karanasan na hindi kaya ng gobyernong protektahan ang mga “protected areas” natin, bakit mo pa babawasan at babawiin ang isang magandang programa tulad ng ginagawa sa Masungi? Hindi ba pwedeng tingnan natin na kakampi at kasama ang NGOs at foundations sa mahirap at komplikadong gawain ng environmental conservation?

Kung meron mga isyu sa kontrata, hindi ba dapat maupo at mag-usap ang mga partido?

Panghuli na ikinadismaya ko ay ang pumutok na isyu laban kay DENR Sec. Ma. Antonia “Toni” Yulo-Loyzaga sa kolumn ni Jarius Bondoc sa Philippine Star. Inilarawan ni Bondoc ang tunggalian o ‘conflict of interest’ sa sitwasyon ni Yulo, dahil ang pamilya raw nito ang may-ari ng Yulo King Ranch sa Palawan. Itinanggi at pinasinungalingan na ng kalihim ang paratang pero hindi na maiaalis sa isipan ng maraming tao ang bahid ng akusasyon.

Sana ay makabangon at maging mas malakas, mas masinop at mas mabisang ahensya ng pamahalaan ang DENR, pagkatapos malampasan ang mga hamon.