Home OPINION NABOKYA SA TOTAL SOLAR ECLIPSE

NABOKYA SA TOTAL SOLAR ECLIPSE

162
0

SA mga bansang Canada, United States at Mexico pangunahing nagpakita ang “total solar eclipse” pero marami ang naloko, maging sa Pinas.

Sa total solar eclipse, nasa pagitan ng mundo at araw ang buwan at ganap na tinatakpan ng buwan ang araw na nagdudulot ng ganap na kadiliman sa isang lugar o bansa o grupo ng mga bansa.

Dahil nga sa sinasabing maaring minsan lang na maganap sa buhay ng isang tao, lalo na kung maigsi ang buhay nito, marami ang nagsilabasan kamakalawa at kahapon ng madaling araw sa Pinas para makita ang total solar eclipse.

Ang nakita?

Walang kadiliman at maliwanag na maliwanag ang mga bituin sa kalangitan at wala ring buwan na tumatakip sa araw para hindi natin makita ang araw.

Bokya!

Ang nakita rin?

Maliwanag na gabi dahil sa mga street light na solar at de-kuryente at mga bombilyang binubuhay ng mga bahay-bahay laban sa mga kawatan.

“Sayang, bumili pa naman ako ng salamin para sa welding para hindi masira ang mata ko sa pagsipat sa araw. Gabi pala sa Pinas at walang total solar eclipse,” sabi ng isang naloko sa bali-balita ukol dito.

Sa Canada, US at Mexico, marami rin ang naloko.

Ang daming pekeng panlaban sa sikat ng araw ang lumitaw na nabili ng mga taga-roon.

Sa peke, tagos na tagos ang liwanag ng araw hanggang sa mata kaya sira ang mata sa pakikipagtitigan sa araw.

Gayunman, 3.5-4 minuto lang naman naganap iyon.

Hehehe!

KAILAN MULI?

Ayon sa mga siyentista, muling magaganap ang total solar eclipse sa Agosto 12, 2026 ngunit para lang sa mga bansang gaya ng Greenland, Iceland, Spain, Russia at Portugal.

Para sa US at Canada, muling magaganap ito Agosto 22, 2044.

Sa Pilipinas?

Kung buhay ka pa, may tsansa kang makita ito sa Abril 20, 2042 o 18 taon at 8 na araw na lang mula ngayon.

Kung gusto mo naman ang ibang total eclipse gaya ng total lunar eclipse, magaganap ito sa Setyembre 7, 2025 o sa darating na taon.

Diyan tatakpan ng mundo ang buwan at hindi natin makikita ang buwan ng nasa ilang minuto dahil nasa likuran natin ang araw.

May total solar eclipse nang naganap sa Pinas at maraming taon ang mga pagitan.

Naganap ang mga iyon noong Enero 14, 1926, Mayo 9, 1929, Hunyo 20, 1955, Marso 18, 1988, Oktubre 24, 1995 susunod nga sa Abril 20, 2042.

MGA PINAGGAGAWA

Sa US, may mga nagpakasal, may mga naghalikan lang ng kasingtangal ng eclipse, may nag-swimming sa dilim, may nag-party-party at iba pa.

Si Mexican President Andrés Manuel López Obrador, sumama sa mga tao sa tabing dagat para panoorin ang eclipse.

May mga nagpatugtog naman ng Total Eclipse of the Heart ni Bonnie Tyler bilang theme song umano ng eclipse.

May mga tumingin naman kung anong pagbabago sa mundo ang dala nito.

At ‘yun na nga, anak ng tokwa, may mga kumita sa mga pekeng eyeglass habang sa Pilipinas, marami rin ang napeke at naniwalang magaganap ito sa bansa.
At nakalimutang ipinagdiwang ang Araw ng mga Bayani kahapon at Kapatirang Muslim at Kristiyano ngayon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here