Home OPINION MGA KAWATAN SA GOBYERNO BANTAY-SARADO NG PNP

MGA KAWATAN SA GOBYERNO BANTAY-SARADO NG PNP

2
0

NAKALULUNGKOT at nakagagalit ang nangyari sa isang namamasadang motorcycle taxi rider na pinagsasaksak at pinatay ng isang nagpanggap na pasahero niya sa Caloocan City.

Lumalaban nang parehas sa baryang kikitain para sa nag-iisang anak na may sakit, kinitil ng demonyo ang buhay ng kaawa-awang rider.

Sino ngayon ang mag-aaruga sa kanyang anak na naunang iniwan ng namayapa na ring ina? Ang saklap na ng buhay para sa bata, lalo pang pinasaklap ng hayop na kriminal na pumatay sa kanyang ama.

Isa pang MT rider ang binaril naman sa ulo ng pasaherong nagpahatid sa kanya mula sa Maynila, patungo sa Carmona, Cavite. Natagpuan ang kanyang bangkay na nakabalagbag lang sa kalsada kaya unang inakala na biktima siya ng hit and run.

Pinatay na, tinangka pang kikilan ng salapi ng salarin ang kanyang pamilya.

Kapwa nahuli na ng mga awtoridad ang mga salarin sa magkahiwalay na walang katuturang krimen. Pagnanakaw ang motibo ng mga suspek sa pagpatay.

Ang dalawang salarin, batay sa rekord ng mga awtoridad ay may mga kapareho na ring nagawang krimen. Dumadale ng mga MT rider para holdapin at saka tatangayin ang panghanap-buhay na motor ng mga biktima.

Marami pang ganitong kahalintulad na krimen ang nangyari na sa bansa. At naganap ang mga ito sa harap ng pagmamalaki ng ating pulisya na bumaba na ang krimen at ligtas na sa Pilipinas. Ano ba talaga ang totoo, mga kuya?

Hindi lang sa gabi nagaganap ang mga panghoholdap at pagpatay. Kahit sa katanghaliang tapat ay umaatake ang mga walang puso’t isip na mga kriminal. Wala nang pinipiling oras at lugar ang mga masasamang-loob. Umaatake sila kung kailan nila maisipan.

At ang sobrang nakalulungkot, nangyari ang mga krimeng ito habang abala ang mga opisyal ng bansa sa pagpapabagsak sa pwesto sa iisang tao at pagpapakulong sa mga kritiko ng gobyerno.

Nagaganap din ang mga krimen habang ang libo-libong pulis ay inuutusang bantayan ang seguridad ng mga opisyal ng pamahalaan na inaakusahang nandambong sa kabang bayan pero nakalilimutang proteksyonan ang mga karaniwang manggagawa na kumakayod nang marangal para lang mabuhay.

Kahirapan at kawalan ng oportunidad sa nakararami ang kadalasang sinisisi sa mga krimen subalit ang totoo, korapsyon sa gobyerno ang tunay na ugat nito

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here