SA kabila ng patuloy na panghihimasok sa West Philippine Sea ng Chinese Coast Guard o ng bansang China mismo ay hindi maikakaila ang katotohanang nakamit na tagumpay ng ating minamahal na bansang Pilipinas sa Arbitral Award may sampung taon na ang nakalilipas
Ang Arbitral Award sa WPS ay isang makasaysayang desisyong internasyonal noong taong 2016 na nagpapawalang-bisa sa pang-aangkin ng China sa teritoryo batay sa kanilang tinatawag na “nine-dash line.”
Samantala, ayon sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands ay idineklara nitong walang ligal na batayan sa ilalim ng batas internasyunal ang mga pang-aangkin ng China sa WPS.
Inilahad ng tribunal na ang pangunahing puntong ito ng China na Nine-Dash Line na umaangkin sa buong South China Sea ay labag sa United Nations Convention on the Law of the Sea.
Sa desisyon ay kinumpirma na ang mga kritikal na lugar katulad ng Ayungin Shoal o Second Thomas Shoal at ang Panganiban Reef o Mischief Reef ay malinaw na nasa loob ng 200-nautical-mile na saklaw o nasa loob ng EEZ (Economic Zone) ng ating bansa.
Sa mga kadahilanang ito ay nagpasya ang korte na nilabag ng China ang mga karapatan ng Pilipinas sa pamamagitan ng pakikialam sa pangingisda at eksplorasyon ng langis, at nagdulot ng matinding pinsala sa kapaligiran sa pamamagitan ng artipisyal na pagtatayo ng isla. Ang lahat ng ito ay labag sa batas.
Ang desisyon ng korte ay pinal na at may bisa sa ilalim ng batas ngunit patuloy itong tinatanggihan ng China. Ang tagumpay sa desisyon ng korte ay ipinagdiwang ng Pilipinas at ng 13 bansang kaalyado nito.
Nitong Hulyo 10, 2026 na ika-sampung taong anibersaryo ng desisyon ay muling ginunita ng mamamayang Pilipino sa iba’t-ibang kaparaanan ang tagumpay nito kasabay ng panawagan natin mga Pilipino na igalang at tanggapin na ito ng China.
Isang Walk for Peace at programa ng anibersaryo ang isinagawa ng ating pamahalaang nasyonal sa Luneta Park sa Manila na pinangunahan nina Department of National Defense Secretary Gibo Teodoro kasama ang grupong WPS ATIN ITO at mga Pilipinong mangingisda na patuloy dinedepensahan ang karapatan ng mga Pilipino sa WPS.






