MANILA, Philippines – Aminado ang Manila International Airport Authority na ang mga nakitang ipis, daga, surot at iba pang peste ay dahil sa kapabayaan.
Kinumpirma ni MIAA general manager Eric Jose Ines ang ulat na puno ng surot ang ilang rattan at steel chairs sa Terminals 2 at 3. Sa kabila nito, araw-araw naman umanong nililinis ang mga upuan.
Ani Ines, sa Terminal 3 lamang ay mayroong 2,000 unit ng 4-seater gang chairs, katumbas ito ng mahigit 8,000 upuan.
Mayroong 250 unit ng 4-seater gang chairs sa arrival at departure areas habang ang iba ay malapit sa boarding gates.
Araw-araw, nasa 20 unit ng 4-seaters ang ibinababa para linisan mula alas-7 ng umaga hanggang hatinggabi. Kabilang sa paglilinis dito ay ang chemical treatment at pressurized water treatment at pagkatapos ay ibibilad ang mga ito sa araw.
Nangangahulugan ito na ang isang set ng 20 4-seater gang chairs ay nalilinis lamang ng husto isang beses sa bawat tatlong buwan.
“Ang one set of 20 after 3 months ulit [lilinisin] sa dami nang silya doon,” pagbabahagi ni Ines sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.
Dagdag pa niya, posibleng hindi rin umano malakas ang pest control na ginagamit para mapatay ang mga itlog ng surot.
“Maaaring nagkulang kami, lalo na ‘yung pest control. Marami rin kasing nagdadala ng pagkain. Pangalawa, ‘yung chemical na sinasabi minsan daw hindi kasing lakas. Naiiwan pala ‘yung itlog ng surot na sinasabi nila.” RNT/JGC