Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa Department of Labor and Employment (DOLE) noong Araw ng Paggawa na magsagawa ng napapanahong pagsusuri sa minimum na sahod.
Isinaalang-alang ng Kagawaran ang pagbibigay ng karagdagang sahod base sa iba’t ibang pamantayan sa pagtukoy ng sahod sa ilalim ng Republic Act No. 6727 o ang Wage Rationalization Act.
Nagsagawa rin ang Regional Boards, na binubuo ng mgakinatawan mula sa sektor ng pamahalaan, namumuhunan, at manggagawa, ng mga konsultasyon at pampublikong pagdinig sa kani-kanilang mga rehiyon bilang bahagi ng proseso ng pagtukoy sa minimum na sahod.
Ang bagong minimum na sahod para sa mga manggagawa sa pribadong establisimyento ay nangangahulugan ng humigit-kumulang na pagtaas ng 7%-15% mula sa umiiral na arawang minimum na sahod sa tatlong rehiyon, at magreresulta ng 7%-12% pagtaas sa mga benepisyong nauugnay sa sahod kabilang ang 13th-month pay, service incentive leave, at social security benefits tulad ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG.
Inaasahang direktang makikinabang ang kabuuang 905,000 manggagawang tumatanggap ng minimum na sahod sa mga nabanggit na rehiyon at tinatayang 1.7 milyong full-time wage and salary workers na tumatanggap ng higit sa minimum na sahod ang makikinabang sa pataas na pagsasaayos mula sa pagtatama ng sahod bunga ng wage distortion.
Samantala, ang kabuuang 49,165 kasambahay kung saan humigit-kumulang 15% (7,394) ay nasa live-in arrangement, at 85% (41,771) ang nasa live-out arrangement naman ang inaasahang makikinabang sa pagtaas ng sahod sa Region II.
Gaya ng anomang wage order, at tulad ng itinatakda ng NWPC Omnibus Rules on Minimum Wage Determination, na inamyendahan, maaaring mag-aplay ang mga retail/service establishment na may regular na manggagawa na hindi hihigit sa sampu, at mga negosyong naapektuhan ng natural na kalamidad ng exemption mula sa pagtaas ng sahod sa RTWPB. Hindi saklaw ng batas sa minimum na sahod ang mga Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) alinsunod sa Republic Act No. 9178 [2002].
Magsasagawa ng information campaign ang RTWPB II, III at XII upang tiyakin ang pagsunod at magbigay ng kinakailangang tulong sa mga negosyo sa pagwawasto ng wage distortion. Para sa aplikasyon ng exemption at karagdagang paglilinaw sa wage order, maaaring makipag-ugnayan sa RTWPB sa pamamagitan ng email address: [email protected], [email protected] at [email protected].
Ang huling wage order para sa manggagawa sa pribadong establisimyento at mga kasambahay sa Cagayan Valley, Central Luzon at SOCCSKSARGEN ay naging epektibo noong 16 Oktubre 2023.






