MANILA, Philippines – Naglabas ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes ng paalala sa publiko laban sa paggamit ng mga rollerblade, skateboard, at katulad na kagamitan sa paglilibang sa mga pampublikong kalsada, kasunod ng viral post sa social media na nagpapakita ng mga indibidwal na nag-i-skating sa isang pampublikong kalsada.
Binigyang-diin ni Gabriel Go, pinuno ng MMDA Special Operations Group – Strike Force, na ang mga naturang aktibidad ay hindi ligtas at dapat lamang gawin sa mga kontroladong kapaligiran.
“Pag kayo ay nahagip o nasagi, ang mangyayari niyan, ang fault niyan magfo-fall dun sa taong may lisensya kasi sila ‘yung may responsibility kasi sila ‘yung license holder, when in fact mali po yung ginawa nung nagro-roller blades sa kalsada. It’s really a dangerous act na hindi dapat tularan,” saad ni Go.
Nilinaw niya na dahil walang driver’s license ang mga gumagamit ng rollerblades o skateboards, hindi sila maaaring bigyan ng traffic violation ticket. Gayunpaman, maaari pa rin silang pigilan ng mga awtoridad at bigyan sila ng babala tungkol sa kanilang mga aksyon.
Pinaalalahanan ng MMDA ang publiko na ang mga kalsada ay para sa mga sasakyan at pedestrian, hindi para sa mga recreational stunts o entertainment activities.
“Anything you do in public roads, we have to be more sensitive and pay more attention hindi lang sa ginagamit nating sasakayan but we have to be more considerate of other people using the road,” aniya.
“Ito po’y isang mahigpit na paalala na itong mga ginagawa natin sa kalsada, ‘yung mga tinatawag nating entertainment or mga stunts, dapat po mahigpit na ipagbawal po natin yan at mas maging considerate po tayo sa safety hindi lang ng sarili natin but also other road users,” dagdag niya. RNT/MND