Home OPINION MMK: ANG 5500 FLOOD CONTROL PROJECT NI BBM

MMK: ANG 5500 FLOOD CONTROL PROJECT NI BBM

TALAGANG hindi na yata talaga masosolusyunan ang problemang baha sa bansa, partikular sa Metro Manila.

Biglang bumagsak ang malakas na ulan noong nakaraang Sabado at maraming lugar ang lumubog sa baha. Kasunod ng baha ay ang paglitaw ng mga basura na nagdulot ng malawakang trapik sa mga lansangan.

Taon-taon na lang sa tuwing tag-ulan o kapag may bagyo, nariyan ang mga baha. Palaging ipinapangako ng gobyerno na lulutasin ang isyu sa baha ngunit walang nangyayari.

May nakikita naman tayong paghuhukay na ginagawa­ ang Department of Public Works and Highways, dredging ng mga kanal at estero ng ­Metropolitan Manila De­ve­lopment Authority pero baha pa rin ang sumasalubong sa atin kahit kaunting buhos ng ulan.

Nasanay na lang tayo sa mga ganitong senaryo – sa kaliwa’t kanang baha.

Naalala ko na naman tuloy ang 5,500 flood control projects na natapos na raw ng gobyerno, ayon kay Pangulong Bongbong Marcos. Nasaan nga ba ang mga ito?

Sa tuwing bumabaha, naaalala ko kung gaano kalaking salaping bayan ang ginastos sa mga proyektong ito. Naaalala ko kung paano ginago ang sambayanang Pilipino nang dumaan ang Bagyong Carina.

Bilyon-bilyong piso ang ginastos ng pamahalaan upang sana ay makontrol ang mga pagbaha. Malaking pondo na ang duda ng marami ay napunta lang sa bulsa o tiyan ng mga buwaya.

Tulad ng mga basura, lumutang ang mga tanong na bakit hindi napigilan ang pagbaha na sumira sa mga kabahayan, ari-arian at kumitil ng ilang buhay?

Winasak na rin ba ng baha ang 5,500 flood control project? Sino ang dapat managot sa pinsalang dulot ng mga baha? Saan napunta ang pondo? May nangurakot ba?

Mga tanong na hindi pa malinaw na nasasagot ng gobyernong Marcos dahil sa ingay ng Impeachment kay Vice President Sara at pagpapakulong kay dating Pangulong Duterte.

Paulit-ulit na lang ang pagbaha sa kabila ng bilyon-bilyong pisong ginastos sa flood control infrastructure. Walang sumasagot. Wala ring napananagot.

Panahon na para managot ang mga dapat managot. Kinakailangang mabigyan ng hustisya ang mga nasalanta dahil sa kapabayaan laban sa o pandarambong sa pondo ng bayan.