Home OPINION NAGTATRABAHO, EH BAKIT WALANG TIWALA MGA PILIPINO?

NAGTATRABAHO, EH BAKIT WALANG TIWALA MGA PILIPINO?

48
0

BUMAGSAK sa “poor” -15 ang net satisfaction rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa unang quarter ng 2026, ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations.

Ito ang pinakamababang rekord ni PBBM mula nang magsimula ang kanyang administrasyon noong 2022.

Ang survey na isinagawa mula Marso 24 hanggang 31, 2026 ay nagpapakita na bumaba sa 33 porsyento na mga nasa hustong gulang na Pilipino ang “nasisiyahan” sa trabaho ni Marcos, mula sa 40 porsyento noong Nobyembre 2025.

Samantala, 49 porsyento ang nagsabing “hindi nasisiyahan” sa mga ginagawa ni PBBM, isang pagtaas mula sa 43 porsyento noong Nobyembre.

Ang numerong ito ng SWS na “poor” -15 ay bumura sa dating personal na record-low ni Marcos na “poor” -12 na nakuha niya noong Marso 2025.

Lumagapak ang rating ni PBBM sa kabila ng sinasabi ni Palace spokesperson Undersecretary Claire Castro na “kaysa mamulitika” ay hindi tumitigil sa pagtatrabaho ang Pangulo para maiangat ang kabuhayan ng mga Pilipino.

Aba’y ang saklap naman. Mantakin n’yo, nagtatrabaho ang Pangulo pero karamihan sa ating mga kababayan ay hindi nasisiyahan sa kanyang ginagawa.

Ani Castro, marahil daw ay marami pa sa Pilipino ang hindi nadaratnan ng mga programang tulong ng estado.

Ano bang klaseng tulong o programa? Ito ba ‘yung pamamahagi ng financial assistance kung saan may ilan nang namatay habang nakapila sa paghihintay na maabutan? O ang pagbebenta ng ”P20 kilong bigas” na hindi malaman kung saang palengke mabibili?

Nagtatrabaho ba ang Pangulo e hindi nga niya maibaba ang halaga ng mga pangunahing bilihin?

Ang napakaraming hindi nasisiyahan sa trabaho ni PBBM ay ang maraming bilang ng Pilipino na patuloy na naghihirap dahil sa patuloy na krisis sa bansa. Hindi niya ito masolusyonan.

O baka sinasabi rin ni Castro na nagtatrabaho ang Pangulo upang labanan ang katiwalian? Susme, hindi pa nga nakakasuhan at naipakukulong ang karamihan ng politikong nakinabang sa pandarambong sa pera ng bayan na para sa flood control projects?

Ang alam ng marami, abala sa “pagtatrabaho” o”pagsisikap” si Pangulong Marcos, Jr. na maipa-Impeach si Vice President Sara Duterte para mawalan na siya ng tinik sa buhay at sa kanyang gobyerno.

Ito ang ramdam na ramdam na “trabaho” niya, kahit hindi aminin ni Ante Kler.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here