MANILA, Philippines – Napatay sa engkuwentro ang isa sa mga kilalang kriminal sa Sulu na si Alganer Dahim alyas “Wangbu,” ikalawa sa most wanted sa lalawigan, matapos ang operasyon ng militar at pulis sa Barangay Kapok Punggol, Maimbung nitong Sabado.
Ayon kay Maj. Gen. Leonardo Peña ng 11th Infantry Division, sangkot si Dahim sa malakihang operasyon ng droga sa Parang, Indanan, at Maimbung. Kinokonekta rin siya sa pagpatay kay dating Sulu police director Col. Julasirim Kasim noong 2009 at sa pagpaslang sa tatlong miyembro ng pamilyang Amil sa parehong bayan.
Apat na sundalo mula sa 41st Infantry Battalion ang nasugatan ng shrapnel mula sa granada at dinala sa Camp Bautista Station Hospital sa Jolo.
Narekober ng tropa ang mga bala at iba pang war materiel sa lugar. “Mananatiling mapagbantay ang ating tropa at hindi natin papayagang maapektuhan ng mga kriminal ang buhay ng mga taga-Sulu,” ani Peña. Santi Celario