“NAGHAHANDA at kumikilos ang pamahalaan kaugnay sa pagtama ng El Niño phenomenon sa bansa”, ito ang binigyang-diin ni NWRB o National Water Resources Board executive director Dr. Sevillo David, Jr.
Mula nang pormal na ipaalam ng PAGASA ang mataas na porsyento ng pagkakaroon ng matinding tagtuyot sa bansa ay malinaw ang direktiba ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na paghandaan ito, at isa sa pinatututukan ay ang “water security” dagdag pa ni Dr. David.
“Whole-of-government approach” ang nais ni Pangulong BBM sa paghahanda, aktuwal na pagharap, at rehabilitasyon mula sa weather phenomenon na ito.
Base sa pagtataya ng PAGASA, nasa 80% ang probability na tatama ang El Niño ngayong mga buwan ng June 2023, July 2023 at August 2023, na magtatagal hanggang sa unang bahagi ng taong 2024.
Asahan na ang pagkakaroon ng “below-normal rainfall” na magdudulot ng mas mainit na panahon at tagtuyot, habang may bahagi naman ng bansa na makararanas ng “above-normal rainfall” na maghahatid ng mabilis na pagbaha at mga insidente ng landslide.
Ayon pa kay Dr. David, naka-monitor ang NWRB at iba pang miyembro ng TWG o technical working group sa Angat dam na sa kasalukuyan ay nasa normal level pa rin naman. Kung titignan natin inilabas ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysi- cal and Astronomical Services Administration o PAGASA noong June 1, 2023 (6:00AM), bumaba na sa 189.64 meters ang level ng tubig sa Angat Dam. Maituturing mataas parin ang lebel ng tubig sa Angat Dam dahil ang Minimum Operating Water Level (MOWL) ng Angat dam ay nasa 180 meters.
Bagama’t 90% ng pangangailangan ng Metro Manila sa malinis na tubig ay nakasandig dito, kakayanin pa ng dam na makapag-suplay ng tubig hanggang sa susunod na taon.
Kailangan umano itong tambalan ng mga siyentipikong pamamaraan, pagkakaroon ng disiplina at wastong paggamit ng tubig.
Nakalatag na ang mga planong gagawin ng mga water concessionaires sa National Capital Region na Manila Water Company at Maynilad Water Services ayon sa MWSS o ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System saka-sakaling lalong tumindi ang pagtama ng El Niño.