DAPAT ipagdasal natin nang todo ang kaligtasan sa anomang kapahamakan ang nasa 30,000 overseas Filipino workers sa Israel at nasa 1,000 din sa Iran kaugnay ng giyerang Israel at Iran.
Inaasahang gaganti ang Iran sa matinding pag-atake ng Israel sa 100 lugar sa una, kasama ang ilan umanong plantang nukleyar, base o kampo militar at mismong Tehran na kapital nito.
Pinatay naman sa bomba o asasinasyon ang ilang matataas na opisyal militar at siyentistang pangnukleyar ng Iran sa pagnanais umano ng Israel na masira ang “command and control” sa gobyerno at militar ng una upang mapigilan itong makapagsagawa ng matinding ganti.
Gayunman, sinabi ng Iran na buo ang mga sistemang control and command at maisasagawa nito ang matinding resbak sa Israel sa kabila ng pahayag ng Israel na masusundan pa umano ang mga pag-atake nito.
Inaasahan anomang oras o araw ang ganting-kilos ng Iran kung hindi ito mapipigilan kaya naman nanganganib ang lahat sa Israel, kabilang na ang nasa 30,000 migrante.
At kapag magpatuloy ang gantihan, malamang na manganganib din maging ang nasa 1,000 OFW sa Iran.
Maaaring target lang ng Iran ang mga plantang nukleyar at base military din ng Israel.
Ngunit papaano kung, gaya ng nangyari sa Iran, hindi lang mga plantang nukleyar at base militar ang tinarget kundi ang mga lugar-sibilyan?
Tiyak namang kumikilos na ang ating pamahalaan para sa kaligtasan ng lahat ng OFW sa dalawang bansa gaya ng ginagawa ngayon ng ibang mga bansa, gaya ng United States at China, para sa kanilang mga sariling mamamayan.
Kung ano-ano ang mga pagkilos ng pamahalalaan, dapat nating suportahan.
Subalit, kinakailangan na rin ng dasal sa Diyos upang iligtas sa kapahamakan, lalo na ang mga inosente at mga OFW.
Kapag magsanib ang pagkilos ng pamahalaan at dasal para sa kaligtasan at kapayapaan, hindi imposibleng walang masasaktang OFW at mga inosente sa giyera.






