Home OPINION OWFs SA MIDDLE EAST KALINGAIN SA GIYERA (2)

OWFs SA MIDDLE EAST KALINGAIN SA GIYERA (2)

1
0

TINUTUNTON ng pitak na ito ang mga ginagawa ng pamahalaang Marcos kaugnay ng matinding giyera sa Middle East ngayon na nakaaapekto sa nasa 2.4 milyong Pinoy sa mga bansa rito.

Bukod sa kalagayan ng mga landbased na overseas Filipino worker at iba pang mga Pinoy sa nasabing rehiyon, mayroon ding libo-libong seaman na nakasakay sa daan-daang iba’t ibang barko mula sa oil tanker hanggang cargo at bulk carrier.

Gaya ng nabanggit natin kahapon, sa Saudi Arabia, Kuwait at Qatar lamang, mahigit nang 1 milyong OFW ang naroon habang tens of thousands ang bawat isa sa mga bansang Israel, Lebanon, Jordan, Bahrain, United Arab Emirates at iba pa.

Ganyan karaming Pinoy ang dapat na alalahanin sa umaapoy na digmaang kinasasangkutan ng nasabing mga bansa.

Napakalaki ang mga panganib sa kanilang mga buhay, ari-arian at kinabukasan.

At malaki rin ang epekto nito sa ekonomiya ng bansa, maging sa salaping bayan.

Alalahaning, naglalaro sa P2 trilyon ang kabuuang halaga ng remittance ng mga OFW at malaking bahagi rito ang nanggagaling sa mga OFW sa Middle East.

Napakalaking kagaanan sa alalahanin ng pamahalaan ang pagsasakripisyo ng mga OFW dahil nakakayanan nilang magpadala ng pangangailangan ng kanilang milyon-milyong pamilya nang hindi umaasa sa ayuda at iba pang inilalaan ng pamahalaan sa mahihirap.

AKSYON NG PAMAHALAAN

Lumilitaw ngayon na, at least, may tatlong mahahalagang ginagawa ng pamahalaan para sa mga OFW.

Isa ang pagtutulak para sa pagkakasundo at usapang pangkapayapaan sa pagitan ng United States at Israel at Iran, sa pagitan ng Saudi Arabia at Yemen, sa pagitan ng nakararaming nasabing mga bansa at mga bansang Iran at Yemen.

Naririyan din ang tuloy-tuloy na pagsubaybay ng mga embahada, konsulado at iba pang ahensya ng pamahalaan sa lahat ng OFW at pag-alam sa kanilang kalagayan at agarang pag-aksyon kung kinakailangan.

May pagdedeploy sa mga border ng mga bansa ng mga taong pamahalaan upang pangasiwaan ang mas madali na paglilipat at pag-alis sa mga danger zone ng mga FW.

Tuloy-tuloy rin ang pagbabakwit ng mga Pinoy na gustong nang umuwi ng bansa.

Nagbibigay rin ng gabay ang gobyerno kung paano tratuhin ang muling pagtataas ng presyo ng lahat ng bilihin sa Pilipinas dahil sa pagmamahal ng langis o petrolyo na nakaaapekto sa mga pamilya-OFW at sinasabing huwag mag-panic at sumali sa panic-buying, halimbawa.

Ang isang hinahanap ngayon ng taumbayan ay kung may sapat na pondo, tauhan at materyales para sa malakihang pagbabakwit ng mga OFW, kung kinakailangan.

Kumbaga, mayroon bang gaya ng quick response fund at calamity fund na sapat para sa pagbabakwit.

Paano naman ang mga pamilya-OFW sa Pinas na umaasa sa napapasamang kalagayan sa remittance?

TAAS PRESYONG PETROLYO

Dapat talagang magbantay-bantay at maghanda-habnda naman tayo, hindi lang mga pamilya-OFW, mga Bro, sa pagtaas ng presyo ng krudo na magpapataas ng presyong petrolyo sa Pinas at magpapataas din ng presyo ng lahat ng bilihin.

Tumaas ng ilang dolyar at umabot sa mga presyong nasa 79-85 dolyar kada bariles ng krudo sa pandaigdigang pamilihan, ayon sa The Hill.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here