Home NATIONWIDE P3B kontrata para sa Land Transportation Management System ipinapawalang-bisa sa SC

P3B kontrata para sa Land Transportation Management System ipinapawalang-bisa sa SC

MANILA, Philippines- Hiniling sa Supreme Court (SC) na ipawalang-bisa ang ₱3.19 bilyong kontrata para sa Land Transportation Management System (LTMS) ng Land Transportation Office (LTO) at German company na DERMALOG Joint Venture na nilagdaan noong Mayo 2018.

Kabilang sa papel ng LTMS ay pagsamahin ang lahat ng serbisyo ng LTO para ilagay sa iisang database at digital platform.

Ang LTMS ang magsisilbing web-based core system na papalit sa lumang ginagamit ng LTO.

Sa petisyon nina Gerald Domingo at Atty. Jose Carlito M. Montenegro, hiniling sa SC na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) upang mapahinto ang LTO sa paggamit ng LTMS at hindi na magbayad sa DERMALOG Joint Venture ng maintenance fees, change orders at iba pang fee.

Ayon sa mga petitioner, nananatili kasi na hindi nagagamit nang buo ang LTMS dahil sa mga depekto nito sa disenyo at umano’y mga ilegal na amendments sa kontrata.

Pinuna rin umano ng Commission on Audit (COA) ang naturang proyekto na sa simula pa lamang ay palpak na, kung saan naisagawa ang bidding sa kabila ng kakulangan ng rekisitos at specifications para masolusyunan ang pangangailangan ng LTO.

“The LTMS delivered to the LTO by DERMALOG JV was incomplete as the design of the core systems did not include all the functionalities and connectivity needed by LTO to address fully the needs of the agency as raised later in the report by COA and the Department of Information and Communications Technology (DICT).”

Dagdag ng mga petitioner, sa halip na pagmultahin ang DERMALOG JV sa mga kapalpakan nito, inamyendahan lamang ng LTO ang kontrata at nagkaloob ng 13 extensions sa maaaring i-deliver ng DERMALOG mula 2018 hanggang 2021.

Nais din ng mga petitioner na atasan ng SC ang DERMALOG JV na ibalik ang ibinayad ng pamahalaan sa kontrata at panagutin ang naturang kompanya at pagbayarin ng danyos na aabot sa P319 milyon. Teresa Tavares

Previous articleHeart, nakipag-swap ng bracelet sa Swiftie!
Next articleBangkay ni ex BuCor deputy security officer Zulueta sinusuri na ng NBI