Home HOME BANNER STORY P5 bawas-presyo sa bigas posible sa tapyas-taripa – DA

P5 bawas-presyo sa bigas posible sa tapyas-taripa – DA

MANILA, Philippines –  Maaaring magresulta ng P4 hanggang P5 piso kada kilo na pagbaba ng presyo ng bigas ang iminungkahing pagbabawas ng taripa ng bigas ng Department of Finance (DOF), ayon sa Department of Agriculture (DA).

Sa pagsasalita sa isang forum sa Maynila, sinabi ni DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa na ito ay maaaring makamit kung ang ibinaba nang 35 porsiyento ang tariff rate sa bigas na ipinapataw ngayon ay hihigit pa sa kalahati sa 17.5 porsiyento.

“Pag may nakita sa palengke na P40 level, say, P45 na bigas, eventually yung merkado susunod. It will correct itself,” ani De Mesa.

Ang pahayag ni De Mesa ay dumating ilang araw matapos sabihin ni DOF Secretary Ralph Recto na ang ahensya ay tumitingin na bawasan ang mga taripa sa pag-import ng bigas, habang pinapanatili ang pagsisikap na pataasin ang lokal na produksyon.

Sa forum noong Miyerkules, sinabi ni DOF Undersecretary Domini Velasquez na hinahangad ng ahensya na bawasan ang mga taripa sa pag-import ng bigas sa 15 hanggang 20 porsiyento, sa tamang panahon para sa lean season ng produksyon ng bigas sa Pilipinas.

“Kasi may lean season ka hanggang, I think, mid-September. So baka makatulong doon. Kasi kahit bumababa ang (rice) prices globally, may pressure pa rin sa lean season mo,” aniya.

Bagama’t magreresulta ito sa humigit-kumulang P10 bilyon na mga foregone revenue para sa gobyerno, sinabi ni Velasquez na ito ay isang presyo na handa nilang bayaran upang mapababa ang inflation.

Ngunit ayon kay Velasquez, kailangan munang magsagawa ng mga pampublikong pagdinig ang Tariff Commission sa usapin para makita kung paano makakaapekto ang panukalang patakaran sa kabuhayan ng mga magsasaka at iba pang stakeholder.

Naniniwala si De Mesa, sa kanyang panig, na ang bawas na taripa ng bigas ay hindi gaanong makakaapekto sa mga magsasaka sa pagkakataong ito dahil binibili na ngayon ng National Food Authority ang kanilang palay o unmilled rice sa mas competitive na presyo o aabot sa P30 kada kilo. Santi Celario