MANILA, Philippines – Nasabat ng mga awtoridad ang ₱75 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa isang bodega sa Clark Freeport Zone, Mabalacat, Pampanga, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Sabado.
Natuklasan ang 11.04 kilo ng hinihinalang shabu na itinago sa loob ng parcel na idineklarang industrial water chiller mula Mexico at nakapangalan sa isang address sa Cainta, Rizal.
Arestado ang dalawang suspek na sina alias Dexs, 52, ng Cebu, at alias Maca, 54, ng Tarlac. Nakuha rin ang kanilang mga ID, cellphone, sasakyan, at shipping papers.
Mahaharap sila sa kaso sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na may parusang habangbuhay na pagkakabilanggo at multang hanggang ₱10 milyon. Isasailalim naman sa laboratory examination ang nakumpiskang droga.
Ang operasyon ay isinagawa ng Bureau of Customs, PDEA Region III, at iba pang ahensiya ng pamahalaan. Santi Celario