INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) 2026 ang mga bagong insentibo at pinalawak na tulong-pinansyal ng Pag-IBIG Fund upang mas maraming pamilyang Pilipino ang magkaroon ng sariling tahanan sa ilalim ng Expanded 4PH Program.
Kabilang sa pinakamalaking pagbabago sa programa ay ang pagtaas ng maximum housing loan limit sa ₱10 million. Ayon sa Pangulo, ang hakbang na ito ay nagbibigay ng mas malaking kakayahan sa mga mag-asawa at pamilyang Pilipino mula sa middle-class sector na makabili ng angkop at pinapangarap nilang tahanan para sa kanilang pamilya.
Upang manatiling abot-kaya ang buwanang hulog para sa lahat, inihayag ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta na patuloy silang nag-aalok ng subsidized rate na 3% para sa socialized housing loans ng mga minimum-wage at low-income earners. Bukod dito, naglunsad din ang Pag-IBIG Fund ng mga promotional interest rates na magagamit ng mga miyembro hanggang sa pagtatapos ng taon:
4.5% interest rate para sa mga pautang na higit sa socialized housing limit hanggang ₱4.9 million.
5.75% interest rate para sa mga pautang na higit sa ₱4.9 million.
Binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng mga social-protection institution tulad ng Pag-IBIG Fund, SSS, at GSIS sa pagbibigay ng pangmatagalang seguridad sa mga manggagawa. Aniya, ang mga institusyong ito ang nagbibigay-daan upang ang mga Pilipino ay makapag-ipon para sa hinaharap, makatanggap ng saklolo sa panahon ng kalamidad at emergency, at makatayo ng sariling bahay.
Ipinahayag naman ni CEO Marilene Acosta ang kaniyang taos-pusong pasasalamat kay Pangulong Marcos sa pagkilala sa papel ng ahensya. Tiniyak ng opisyal sa higit 17 milyong miyembro ng Pag-IBIG Fund na patuloy nilang pamamahalaan nang maingat, matapat, at responsable ang pondo upang mapangalagaan at mapalago ang ipon ng mga kasapi at mapanatiling abot-kaya ang kanilang mga pautang sa pabahay.






