
MAS masahol pa sa hayop ang mga Amerikanong nagpapaupa ng mga bahay sa California, lalo na sa Los Angeles at katabing mga lugar.
Dahil punuan ang mga hotel na may mga dagdag ding sinisingil, mga Bro, may mga naghanap ng mauupahang bahay.
Anak ng tokwa, akalain mong itinaas ang halaga ng upa para lang kumita nang malaki ang mga may-ari ng mga paupahang bahay.
Mula halimbawa sa $13,000 sa isang buwan, ginagawa nang $23,000.
Ang iba, mula sa $17,000, gusto nilang maghatag ka ng $30,000.
Katwiran ng mga ugok, may mga kukuha naman daw na nag-aalok pa ng higit na mataas na halaga.
Price gouging ang tawag sa kanila ang gawaing pagsasamantala.
Ayon kay California Attorney General Rob Bonta, iligal at kriminal umano ang ginagawa ng mga hotel at may-ari ng bahay.
May parusang pagkabilanggo at multa umano laban sa mapatutunayang sangkot dito.
Hanggang 10 porsyento lang umano ang pinapayagang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at paninirahan sa mga oras ng trahedya.
Ganyang katindi ang pagsasamantala.
Sa Pilipinas, mayroon ding nagaganap na ganito pero hindi namang kasing garapal ng ginagawa ng mga Kano.
Pero sa mga calamity area, bawal ang pagtataas ng presyo ng mga batayang pangangailangan.
MGA KAWATAN UMAARIBA RIN
May mga nahuhuli nang mga kawatan na pumapasok sa mga bahay na iniwan ng mga may-ari o nangungupahan para lang sila maligtas sa sunog.
Nasa 20 na umano ang nahuhuli.
Dalawa sa mga ito ang nagsuot pa ng uniporme ng bumbero para lang libreng makapasok at magnakaw.
Pero hindi sila umubra sa matalas na tingin ng mga pulis at bumbero.
Sa ngayon, may mga komunidad na nagha-hire ng mga guwardiya para lamang mabantayan ang mga lugar.
Ito’y para makapag-concentrate ang mga bumbero, pulis at iba pa sa pakikipaglaban sa sunog.
May 14,000 nang pwersa, kasama ang mga bumbero at sundalong nanggaling sa Canada at Mexico, na lumalaban sa apoy.
16 PATAY
Habang tinitipa ito, mga Bro, may 16 nang patay.
Wala pa namang naiuulat na Pinoy na nasawi.
Ngunit mayroon nang humiling ng tulong at tinutugunan na ng mga embahada at konsulado natin.
Nag-aanunsyo na ang mga embahada at konsulado sa mga nasunugan na lumapit lang ang mga ito sa kanila at handang umayuda ang pamahalaan sa kanila.
Bagama’t kakaunti umano ang mga Pinoy na naninirahan sa apat na nasusunog na lugar sa California, tama lang ang mga aksyon ng ating mga embahada at konsulado na umalalay sa mga Pinoy.
Sobra-sobra naman umano ang mga ipinamimigay na donasyon ngunit mayroon pa ring ibang mga pangangailangan na hinihiling gaya ng mga sabong panlaba at iba pa.
Sana’y hindi na madagdagan pa ang mga nasawi at mga nasusunog na lugar.