
NOONG Nobyembre 2024, muling pinagtibay ng resulta ng Labor Force Survey ang hindi natitinag na pangako ng administrasyon na lumikha ng oportunidad para sa de-kalidad na trabaho at pagpapahusay ng kabuhayan ng lahat ng Pilipino.
Tumaas ang employment rate ng 96.8% noong Nobyembre 2024, mula sa 96.4% sa parehong panahon noong nakaraang taon. Ang bilang ng mga taong may trabaho ay tumaas ng 1.385 milyon kumpara noong Oktubre 2024.
Bumuti ang unemployment rate mula 3.6% noong Nobyembre 2023 hanggang 3.2% noong Nobyembre 2024, na nagpapakita ng positibong resulta mula sa patuloy na pagsisikap na lumikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho.
Bumaba din ang underemployment rate mula 11.7% noong Nobyembre 2023 hanggang 10.8% noong Nobyembre 2024. Sa kabila ng mga positibong pag-unlad, nagpapatuloy pa rin ang mga pagsubok, gaya ng mga pagbabago ng teknolohiya, paggamit ng artificial intelligence, at pagbabago ng klima, na may epekto sa paglahok sa lakas-paggawa ng mga kabataan at kababaihan. Kaugnay nito, mapapansin din ang pagbaba sa taon-taon – mula 6.92 milyon hanggang 6.516 milyon, at 55.4% hanggang 53.9%, ayon sa pagkakabanggit.
Ang mga pangunahing sektor tulad ng manufacturing, accommodation at food services, health at social work, at iba pang serbisyo, at transportation ay nagpakita ng makabuluhang pag-unlad na nakatulong sa paglikha ng trabaho. Ito ay nangangailangan ng patuloy na pagsisikap na palakasin ang lakas-paggawa sa pamamagitan ng iba’t ibang programang pantrabaho na naglalayong pataasin ang kasanayan at kahandaan sa trabaho.
Lilikha ng mga oportunidad para sa karagdagang kita at magpapasigla sa paglago ng ekonomiya, mula ipinatupad ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) Act.
Tinutugunan ng Enterprise based Education and Training Framework Act, sa pakikipagtulungan ng pribadong sektor, ang mga kakulangan sa sektor ng paggawa sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga programa sa pagsasanay at upskilling.
Sa pagpapatupad ng mga nabanggit na batas, masigasig na magpapatuloy ang Kagawaran para sa inklusibong pag-unlad at pagtitiyak ng pantay na oportunidad sa trabaho, pagbibigay prayoridad sa upskilling at reskilling ng lakas-paggawa upang mabigyan ang mga manggagawang Pilipino ng kinakailangang kasanayan para sa dinamikong merkado ng paggawa ngayon. Patuloy naming ina-update ang youth employability modules upang matiyak na may sapat na kasanayan ang mga bagong pasok sa trabaho para matugunan ang pamantayan ng industriya.
Sa taong 2025, inaasahan namin na magpapatuloy ang paglago ng ekonomiya at paglikha ng trabaho. Patuloy na paghuhusayin ng DOLE ang mga programa nito, partikular sa mga grupo ng mga mahihinang sektor at mananatiling matatag tungo sa pagsasakatuparan ng isang Bagong Pilipinas.