AGAD naglabas ng “pampakalmang pahayag ang Bases Conversion and Development Authority matapos umalma ang maraming local government units sa Central Luzon at Northern Luzon, sa pangunguna ni Capas, Tarlac Mayor Roseller Rodriguez, laban sa pagpapasara sa Kalangitan Sanitary Landfill sa darating na Oktubre.
Sinabi ng BCDA na kanilang “tutulungan” ang mga lokal na pamahalaan at locators na maaapektuhan ng waste management operations sakaling magtagumpay, kahit labag sa batas at kontrata, sa tangkang pagpapasara nito sa Kalangitan Sanitary Landfill na nasa Capas.
Idinagdag pa ng BCDA, hindi na raw angkop ang isang landfill sa government vision na gawing isang “premier investment and tourism destination” ang New Clark City. Wow, ha, talaga ba?
Binanggit ng BCDA na mayroon naman daw mga landfill sa Pampanga at sa katunayan ay suportado raw ng Department of Environment and Natural Resources ang mga ito.
Kaya raw saluhin ng mga naturang Pampanga landfills ang mga basura sa rehiyon sakaling tuluyang maipasara ang Kalangitan Sanitary Landfill.
Parang nagta-tandem dito sina Joshua Bingcang ng BCDA at Antonia Loyzaga ng DENR. Tila iisa ang kalansing ng kanilang tono, ‘di ba?
Pero gaano katotoo ang sinasabi ng BCDA at DENR? Kasi, base sa mga dokumento ay iba ang lumalabas.
Nagpadala kasi ng isang sulat ang Floridablanca Enviro Corporation sa mga kliyente nito noong August 13. Ang sinasabi rito ng Floridablanca Enviro Corporation ay itinitigil nila pansamantala ang operasyon ng kanilang landfill sa mga petsang August 14 at August 15 dahil daw sa hindi inaasahang pagsusungit ng panahon. Nature has a way to correct lies talaga. Ang kalikasan na ang nagbubuking kina Bingcang at Loyzaga.
Nangangahulugan lang ito na hindi tatanggap ng mga nahakot na basura ang Floridablanca Enviro Corporation sa loob ng dalawang araw at malaking problema ito para sa mga kliyente ng kompanya. Patunay rin dito ang mga inisyung notice ng mga barangay sa iba’t ibang lokalidad na hindi na muna mahahakot ang basura sa kani-kanilang nasasakupan.
Kapag ganito nang ganito ang mangyayari, saan na ngayon magtatambak ng basura ang mga apektadong komunidad?
Nakaantabay lang tayo at patuloy nating aalamin ang sitwasyon sa lugar. Kaya sa BCDA at DENR, lalo na kina Bingcang at Loyzaga, wala pong masama sa landfills, lalo’t world class naman ang operasyon kagaya ng ginagawa ng Kalangitan Sanitary Landfill.
Imbes na bawasan, dagdagan pa sana ang mga landfills. Sa totoo lang, Commission on Audit (COA) na mismo ang nagsabi na kulang na kulang ang ating landfills para mapagserbisyuhan ang mga Pilipino at upang maging malinis ang ating kapaligiran. Ayon sa COA report, kailangan ng DENR na makapagpagawa ng mahigit 300 landfills pero sa kasalukuyan ay wala pa ito sa 60.
Secretary Loyzaga, magtrabaho naman sana kayo. At kay Joshua Bingcang, apir na lang, brad!