SINO-SINO kaya ang mga pwedeng managot sa kontrobersyal na pagkamatay ng nasa 19 katao sa Brgy. Salamanca, Toboso, Negros Occidental noong Abril 19, 2026?
Lumalabas na ipinagmalaki ng dalawang pwersa ang madugong pangyayari.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Romeo Brawner Jr. na tinawag ni Pangulong Bongbong Marcos na “job well done” ang pangyayari.
Pinuri naman ng Communist Party of the Philippines ang mga namatay na martyr at pulang mandirigma ang mga namatay na nag-alay ng kanilang lahat para labanan ang mga pasistang halimaw.
PINANGALANAN SILA
Mismong ang CPP ang naglabas ng pangalan ng mga nasawi.
Ang mga pulang mandirigma o New People’s Army member na nasawi ay sin Roger Fabillar (Ka Tapang), NPA commander ng Northern Negros Front; Sonny Boy Caramihan, 28, ng Brgy. Bagonbon, San Carlos City; Rene Villarin Sr., 57, ng Brgy. Marcelo, Calatrava, squad leader; Pedro Bonghanoy, medical officer, ng Brgy. Libertad, Escalante City; Arnel Javoc, 32, ng Brgy. Lalong, Calatrava; Joros Caramihan y Ramos, 18, ng Don Salvador Benedicto; Maria Clarita Branzuel Blanco (Ka Sanim/Pat), political instructor; Genevieve Balora (Ka Raia), ng Bacolod City, district Party cadre; Labskie Purisimia Enustacion, 33, ng Sitio Tinibawan, Brgy. Bug-ang, Toboso; Jocel Gimang, 18, ng Sitio Bautista, Brgy. Malasibog, Escalante City.
Heto naman umano ang mga sibilyan, kabilang sina R.J. Nichole Ledesma, 30, community journalist, ng Bacolod City, at dating nominee ng Kabataasn Partylist; Alyssa Alano, councilor, UP Diliman Student Council; Maureen Keil Santuyo, 24, member, National Network of Agrarian Reform Advocates (NNARA-Youth) at isa rin umanong UP student; Lyle Prijoles, 40, International Coalition for Human Rights in the Philippines, ng San Francisco, California, USA at Kai Sorem, 26, ng Seattle, Washington, USA.
Kasama rin sina Roel Sabillo, 19, ng Brgy. Tabunac, Toboso; Errol Wendel, 24, member, Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura; Jemina Gumadlas, 15, ng Sitio Plarending, Brgy. Salamanca, Toboso; Dexter Patajo, 17, Sitio Buklog, Brgy. Lalong, Calatrava, Negros Occidental at may apat pang nahuli naman.
MAGKAIBANG PANANAW SA PANGYAYARI
Ayon sa CPP, maliit lang na bilang ng NPA ang napatay na miyembro ng Bagong Hukbong Bayan-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) at ang 9 ay pawang mga sibilyan na minasaker, sabay-sabing imbento lang ng mga sundalo ang engkwentro.
Ayon sa AFP, lalo ang 79th Infantry Battalion ng Philippine Army, lehitimong labanan ang naganap makaraan ang unang putok sa pagitan ng magkabilang panig dakong alas-4:00 ng hapon at walang masaker na naganap.
Ngayon, mag-iimbestiga ang Commission on Human Rights at wala pang nakatitiyak kung ano-ano ang mga lalabas na katotohanan dito, lalo na sa kung may masaker o wala.
Pero ano naman kaya ang kahulugan ng pagtawag ng CPP na mga martyr at pulang mandirigma ang mga nasawi?
50,000 NANG PATAY
Ayon sa mga lumalabas na ulat, mahigit 50,000 na ang napapatay sa labanang CPP-NPA at AFP-Philippine National Police simula noong Marso 29, 1969 na pagtatatag sa NPA ng CPP kabilang ang mga miyembro ng CPP, NPA at National Democratic Front, AFP, PNP at mga sibilyan.
Kailan kaya magtatapos ang digmaang nauugat sa madugong tunggalian ng mga uri sa mahal kong Pinas?






