Home OPINION PANANATILI NANG KALINISAN AT KAAYUSAN SA DIVISORIA

PANANATILI NANG KALINISAN AT KAAYUSAN SA DIVISORIA

TULOY ang paglilinis ng lokal na pamahalaan, katuwang ang pulisya, sa kahabaan ng C. M. Recto sa Divisoria na nagsisimula ng alas-5 ng umaga matapos ang night market.

Hindi makakaya ng Department of Public Service at volunteer Fire Brigade ng Lungsod ng Maynila ang paglilinis kung walang mga pulis na silang nangangasiwa para isaayos ang vendors sa night market na dinadayo ng mga namimili ng gulay.

Mahigpit ang panuntunan ni Manila Police District-Moriones Police Station commander P/LtCol Gilbert Cruz sa mga pasaway na vendors na hindi sila pwedeng maglatag ng kanilang mga paninda sa mga hindi nakatalagang lugar.

Bukod pa ito sa walang tigil na pangangasiwa ng hepe ng Dagupan Police Outpost na si PCMS Gerardo Tubera at kanyang mga tauhan upang mapanatiling malinis ang kanilang nasasakupan sa Divisoria.

Ang maganda rito, hindi lang sa mga pasaway na vendors nakatutok sina Cruz at Tubera subalit maging sa iba’t ibang operasyon tulad ng “Oplan Bakal”, “Oplan Sita”, “Oplan Galugad” at Police checkpoints sa komunidad na kanilang nasasakupan.

Maliban sa clearing operation, ang grupo ni Tubera ay may proyekto ring feeding program at pamamahagi ng gulay sa ilang institusyon sa Maynila tulad ng Boystown, Manila Reception and Action Center at Manila Youth Reception Center.

Pero bakit sa kabila nang mahigpit na panuntunan ng Moriones Police Station at Dagupan Police Outpost, maraming vendors ang nagrereklamo laban sa isang alyas “Barna” na ang raket ay kumolekta ng mga gulay mula sa mga nagtitinda gamit ang pangalan ng isang mataas na opisyal.

Biro nga vendors, araw-araw daw bang ipinagluluto ni Barna ng chopsuey o pinakbet ang opisyal na nagpapakoleta sa kanya ng gulay? O baka may tindahan ng gulay?

Sino ba ang opisyal na ito na amo ni Barna kaya malakas ang loob at makapal ang apog nito sa pangongolekta ng gulay?

Aba, siya yata ang dahilan kung bakit mataas ang presyo ng gulay sa Divisoria? Wow! Bigtime sila, sa koleksyon.