Home OPINION TIPS PARA MAGING DEFENSIVE DRIVER

TIPS PARA MAGING DEFENSIVE DRIVER

KABI-KABILA ang nababalitaan nating road crash accidents. Sa dami ng anunsiyo mula sa mga awtoridad, patuloy pa ring nadaragdagan ang numero ng mga nasawi, nasugatan at nasiraan ng mga ari-arian.

Kadalasang nagiging sanhi ng aksidente ang drunk driving.  Sa United States, ang pag-inom ng alak ang dahilan ng 30 porsiyentong kamatayan sa road crashes. Dahil sa alcoholic beverages, hindi nagiging normal ang senses ng isang tao na kritikal pa namang kailangan sa pagmamaneho. Mabuti na lamang at may batas sa Pilipinas para kontrolin ito.

Base sa RA 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, kapag napatunayang lumabag ang isang driver, maaaring siyang makulong ng hanggang tatlong buwan at pagmumultahin ng aabot sa P20K-P80K. Bukod pa rito ang pagkumpiska sa kanyang driving license. Mas mabigat pa ang parusa kung nagdulot ng physical injury o homicide ang kanyang paglabag. Kaya dear readers, makinig sa kasabihang “do not drink and drive.”

Mahalaga ring isaalang-alang ang iba pang basic rules sa pagmamaneho. Kailangang nalalaman ng driver  kung paano iingatan ang kanyang mga pasahero. Bukod sa pasaherong nasa harapan, kinakailangan ding magsuot ng seatbelt ang iba pang pasahero sa loob ng sedan, SUV, van at iba pa.

Magkakaroon lang tayo ng problema nito sa jeepney at tricycle, he-he-he. Proteksiyon kasi ito para sa biglaang pagpreno at banggaan.

 

Mahalaga ring sundin ang road safety signs tulad ng minimum at maximum speed sa kalsada. Baka sa sobrang pagmamadali, hindi natin mapansin ang mga blindspot, construction warning sign, open manhole, traffic light at pedestrian.

 

Sa motorcycle drivers, isuot  ng tama ang approved na helmet. Iwasang dumikit sa malalaking truck at sumingit sa pagitan ng mga sasakyan. Huwag dumaan o harangan ang mga pedestrian at bicycle lane.

 

Kailangang may sapat na oras ng pagtulog at pahinga muna ang mga driver o rider lalo na kung iinom ng prescribed medicines para masiguro ang 100% na focus at pagsunod sa traffic rules.

 

I-record sa mobile phone ang emergency hotline number ng mga awtoridad para sa madaliang rescue kung sakaling may aksidente.

 

Para sa kumpletong pag-iingat lalo na ngayong panahong tag-ulan, sundin ang schedule ng preventive maintenance system o PMS at ugaliing inspeksiyunin ang sasakyan bago gamitin. Kulang ang ating espasyo para matutunan ang detalye ng B.L.O.W.B.A.G.E.T.S, kaya paki-Google na lang at pag-aralan, he-he-he.