Home OPINION NTF-ELCAC, AYALA FOUNDATION MAGPARTNER

NTF-ELCAC, AYALA FOUNDATION MAGPARTNER

KAPAYAPAAN ang nagbuklod sa Ayala Foundation at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict upang pag-ibayuhin ang pagharap sa mga hamon na dala ng mga nanggugulong pwersa sa bansa tungo sa katahimikan at kaunlaran.

Lampas isang libong ‘survival kits’ ang inilagak agad ng Ayala Foundation sa pamamagitan ng kanilang League of Corporate Foundations na tinanggap ng NTF-ELCAC matapos mapalaya ang iba’t ibang lugar sa Samar. Naganap ang partnership ng NTF-ELCAC at Ayala Foundation  noong May 13, 2024 sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Ang tambalan ay pinangunahan ng Basic Services Cluster ng NTF-ELCAC sa pamamagitan naman ng Department of the Interior and Local Government at LCF.

Pinasalamatan ni Arnulfo Ferdinand Bajarin, Director ng Operations ng NTF-ELCAC ang pagkakabuo ng partnership at sinabing napakahalaga nito sa pagharap sa hamon para matigil na ang kaguluhan sa Samar. At binigyang halaga niya ang pagsasama ng pamahalaan at private sector para sa kapayapaan at kaunlaran.

Ang pagbibigay ng survival kits, ani Bajarin, ay patunay lamang ng dedikasyon ng dalawang panig upang makamit ang katahimikan at kaunlaran sa mga lugar ng Samar. Ito ay para na rin makaharap sa hamon ng kahirapan ang mga residenteng nabalot sa takot dahil sa panggugulo ng mga komunistang-terorista sa kanilang lugar.

Ang pamimigay ng Ayala Foundation at ng League of Corporate Foundations ng mga survival kit sa mga residente roon ay para gumaan-gaan naman ang kanilang kabuhayan habang sinisikap ng pamahalaan na maibangon sila sa hirap na kanilang nararanasan lalo na noong sila ay ginugulo ng mga CPP-NPA-NDF.

Lahat ay para mapatatag ang kalooban ng ating mga kababayan sa pagharap sa mga hamon ng kagipitan, pangangailangan matapos maipit sa kaguluhan.

Ang tambalang ito ay pagpapakita na rin na kayang baguhin ang buhay o kalagayan ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng kapit-bisig napagsasama para sa kabutihan ng lahat.